Hollywood legend na si Sidney Poitier, pumanaw na

Pumanaw na si Sidney Poitier, ang kauna unahang black actor na nanalo ng Oscar, siya ay 94.

Si Poitier na nagwagi sa best actor category noong 1964 para sa pelikulang “Lilies of the Field” ay namatay noong huwebes sa kanyang tahanan sa Los Angeles, ayon kay Latrae Rahming, Director of Communications for the Prime Minister of the Bahamas.

Ang kanyang malapit na kaibigan na si Harry Belafonte ay naglabas ng isang pahayag noong Biyernes, na inaalala ang kanilang pambihirang pagkakataon na magkasama noong nabubuhay pa ang aktor.

Ilang bituin lamang sa hollywood ang nagkaroon ng matinding impluwensiya sa loob o labas man ng screen at isa si Sidney doon.

Bago pa man pumaimbulog ang karera ni Sidney ay wala pang Black actor ang nagkaroon ng matagal na karera bilang lead performer o maaaring nagtagumpay sa takilya batay sa kanyang sariling star power.

Bago din sumikat si Sidney ay iilang Black actor lamang ang pinahintulutan na humiwalay sa mga stereotype ng mga roles kagaya ng pagiging katulong.

Samantala, bumaha sa social media ang mga mensahe ng pakikiramay para kay Sidney. Tinawag siya ng Oscar winner na si Morgan Freeman na “my inspiration, my guiding light, my friend.”

Si dating President Barack Obama naman ay pinuri ang kanyang mga nagawa at kung paano niya ginamit ang kanyang mga pelikula para paglapitin ang mga tao.

Samantala, ang media mogul naman na si Oprah ay tinawag siyang, “Friend. Brother. Confidant.”

Ang tagumpay ni Sidney ay sumasalamin sa malalim na pagbabago sa Amerika noong 1950s at 1960s. Dumadalo si Sidney sa mga civil rights movements noong mga panahong iyon.

Dahil nga sa kanyang star power ay nakakuha halos si Sidney ng mga magagandang roles sa pelikula.

Siya ang nakatakas na Black convict na nakipagkaibigan sa isang racist na puting bilanggo (Tony Curtis) sa “The Defiant Ones”.

Siya ang magalang na manggagawa na umibig sa isang bulag na puting babae sa “A Patch of Blue”.

Siya ang handyman sa “Lilies of the Field” na nagtayo ng simbahan para sa isang grupo ng mga madre.

Siya ang ambisyosong batang ama na ang mga pangarap ay sumalungat sa mga pangarap ng iba pang miyembro ng pamilya sa “A Raisin in the Sun.”

Ang mga debate tungkol sa pagkakaiba-iba sa Hollywood ay hindi maiiwasang bumaling sa kuwentong buhay ni Sidney.

Kaya naman sa kanyang kagwapuhan at makinis na mukha, matinding titig at disiplinadong istilo, ay itinuring siyang pinaka magaling na Black actor ng kanyang henerasyon.

Si Sidney ay sumikat noong 1967 sa isa sa pinakakilalang pelikula ng taon ang “To Sir, With Love”, kung saan gumanap siya bilang isang guro sa paaralan na nanalo laban sa kanyang mga pasaway na estudyante sa isang secondary school sa London.

Pinangalanan ng mga may-ari ng sinehan si Sidney bilang numero unong aktor noong 1967. Ito rin ang kauna unahang pagkakataon na ang isang Black actor ay nanguna sa listahan.

Ang karera ni Sidney ay kumupas noong huling bahagi ng 1960 dahil ang mga kilusang pampulitika ay naging mas radikal at mas mapangahas ang mga pelikula. Kaya naman humina ang paggawa niya ng mga pelikula. Madalang narin siya magpa interview. Bagkos ay nagsimula siyang mag direk ng pelikula.

Noong 2009 ay iginawad sa kanya ni Pangulong Barack Obama ang “Presidential Medal of Freedom”.

Si Sidney ay may apat na anak na babae sa kanyang unang asawa na si Juanita Hardy, at dalawa sa kanyang pangalawang asawa, ang aktres na si Joanna Shimkus, na nakasama niya sa kanyang 1969 na pelikulang “The Lost Man.”

Ang kanyang anak na babae na si Sydney Tamaii Poitier ay lumabas sa mga serye sa telebisyon tulad ng “Veronica Mars” at “Mr. Knight”.

Namatay naman ang kanyang anak na babae na si Gina Poitier-Gouraige noong 2018.

Noong 1974 ay naging knight ni Queen Elizabeth II si Sidney.

Sa kabila ng kanyang nagawa para baguhin ang pananaw ng mga Amerikano tungkol sa mga Black actors at sa pagbubukas ng pinto para sa isang bagong henerasyon ng mga Black actors ay nanatiling mapagkumbaba si Sidney pagdating sa kanyang mga napagtagumpayan sa kanyang buhay at karera.

“History will pinpoint me as merely a minor element in an ongoing major event, a small if necessary energy,” ayon sa kanya.

“But I am nonetheless gratified at having been chosen.”

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.