Pokwang naglabas ng hinanakit sa mga kapatid na pasaway

Isang kakaibang Pokwang ang humarap sa entertainment columnist at vlogger na si Ogie Diaz.

Sa halip kasi na magpatawa, ay napuno ng luha ang kanyang interview.

Isa sa napag usapan nila ni Ogie ay ang kanyang pamilya, partikular na ang kanyang namayapang ina at mga kapatid.

Nagkwento rin si Pokwang ng mga hindi niya malilimutang mga pangyayari noong kanyang kabataan.

“Kasi nga kami sa dami nga naming magkakapatid, dose kami. Palipat lipat kami ng bahay. Kapag wala ng pambayad, layas!”

Ipinanganak si Pokwang sa Bagong Ilog sa Pasig.

Ayon pa sa kanya ay nangungupahan sila noon.

Ilang taon din daw silang hindi nakakabayad ng upa, pero sa bait ng may ari ay hindi na daw sila sinisingil.

Taong 1980 nang kinailangan na nilang lumipat ng bahay dahil nag asawa na ang mga anak nang may ari.

Lumipat sila sa Antipolo.

Sa hirap ng buhay ay huminto silang magkakapatid sa pag aaral ng isang taon para maghanap ng mapagkakakitaan.

“Hindi ko alam na lalaki pa kami. Kasi mas madalas pa yung natutulog kami sa kumakain kami.” Kwento ni Pokwang.

Katuwang daw nila ang kanilang mama Gloria sa paghahanapbuhay, samantalang ang kanilang ama naman ang naiwan sa bahay para magbantay sa iba pa niyang mga maliliit na kapatid.

Namasukan din si Pokwang bilang kasambahay pero hindi siya nakatagal dahil sa hirap ng trabaho.

Kaya naman sa murang edad na 17 ay nagtrabaho na si Pokwang sa Japan. bilang entertainer

Doon niya nakilala ang hapon na naging ama ng kanyang anak na si Shin.

Nagtrabaho din si Pokwang sa Abu Dhabi.

Ayon sa kanya, “Nung nagka higpitan sa Japan, nag open naman yung UAE. Kaya ako napunta ng Abu Dhabi.”

“Tapos, namatay yung anak ko na lalaki, sabi ko ayoko na muna mag abroad.”

Kaya naman sinubukan niya na maghanap ng trabaho dito sa Pilipinas.

Credit: Ogie Diaz/Youtube

Nasubukan daw ni Pokwang maging isang choreographer, hanggang sa napunta siya sa comedy bar.

Aksidente naman siyang nakapasok sa Fun Line sa may Roxas Boulevard.

Nagkayayaan lamang silang ng mga barkada niya galing ng Japan na pumunta ng comedy bar, kaya napadpad sila sa Fun LIne.

Nadiskubre naman ng manager doon ang kanyang talent sa pagpapatawa.

“So nakita ako nung manager, sumalangit nawa ang kaluluwa, si Sir Henry. Tinanong niya ako kung pwede akong magtrabaho doon.”

Noong una daw ay nag alinlangan si Pokwang na tanggapin ang alok na trabaho dahil hindi niya alam kung kakayanin niya ang magpatawa.

Pero sinigurado sa kanya ng manager na pwede siyang makipag sabyan sa mga comedians doon.

Nagtrabaho din si Pokwang sa Music Box.

Hanggang sa nakasali siya sa Clown In A Million ng ABS CBN kung saan siya ang tinanghal na grand winner.

And “the rest is history.”

Pokwang remembers her mother

“Wowowee!”

Yan ang mabilis na tugon ni Pokwang nang tinanong siya ni Ogie kung papaano siya naaalala nang inang may dementia noong nabubuhay pa ito.

Biglang tumulo naman ang mga luha ng komedyana nang magpag usapan na ang kanyang namayapang ina.

Kwento pa ni Pokwang na sa tuwing nakikita siya ng kanyang ina ay tinatawag siya at sinasabing, “Huy Wowowee, nandito ka!”

Credit: itspokwang27/Instagram

Hindi kasi siya maalala ng kanyang ina bilang anak datapwa’t ang naaalala lang nito ay si Pokwang na nagtrabaho sa Wowowee.

“Naiiyak ako. Hindi ko pinapakita sa kanya.”

“Naiiyak ako kasi hindi na siya yung nanay ko dati na alam mo yon, yung nilalambing ka.”

May panahon din daw na ayaw magpalambing ng kanyang ina dahil hindi nga siya nito maalala bilang anak.

“Minsan, natatawa ako na, alam mo yun? Pero syempre iiyak ka na lang at aalis.”

Pokwang’s message to her siblings

Pero kahit ganun pa man ang pinag daanan ni Pokwang sa kanyang ina ay hindi niya ni minsan naisip na pabigat ito.

Tugon ni Pokwang, “Feeling ko nga kami pa ang naging pabigat sa kanya eh.”

Naramdaman daw niya iyon dahil sa dami ng paghihirap na pinagdaanan ng kanyang ina sa kanilang magkakapatid.

“Wala namang magkakapatid na perpekto. Meron talagang lalabas na isa o dalawang pasaway.”

Dagdag pa ni Pokwang, lagi daw iniisip ng kanyang ina ang mga kapatid niyang hindi nakakaluwag sa buhay.

May mga panahon pa daw na umabot sa puntong nagsisinungaling ang kanyang ina para lamang makahingi ng pera sa kanya, para maibigay sa mga kapatid na nangangailangan.

“Kung mapanood niyo to, hindi ko kayo sinisisi ha? Hindi kayo ang sinisisi ko kung bakit nagkasakit si mama. Pero I think it’s one of the reason kung bakit siya lumala din.”

Credit: Ogie Diaz/Youtube

Dagdag pa niya, “Kasi nakikita ko lahat. Kasi ako kasama eh. Ako kasama ni mama araw araw. Hindi kayo.”

“Hindi nyo nakikita yung nararamdaman niya kasi malayo kayo eh.”

“Ako ang kasama niya raw araw. So, nakikita ko yung papaano na i stress ang matanda.”

“Nakikita ko pag umiiyak yung matanda dahil iniisip kayo. Pinoproblema niya kayo.”

“Minsan nga to the point na nagsisinungaling na sa akin eh, makahingi lang ng pera.”

Hindi naman itinanggi ni Pokwang na napagod na siya sa pagsuporta sa kanyang mga kapatid.

Umabot daw siya sa puntong yun dahil matagal na niyang tinutulungan ang mga ito pero wala siyang nakitang pagbabago.

Hindi niya rin nakita na nagsumikap ang mga ito para palaguin ang mga perang itinulong niya sa kanila.

Sinabi din ni Pokwang na hindi na niya pwedeng tulungan ang mga kapatid kagaya ng pagtulong niya noon dahil may pamilya narin siyang sinusuportahan.

“Dumating din ako sa punto na, enough..tama na. May pamilya na akong sarili eh. Kanya kanya naman tayong sikap.”

“Matagal na kayong binigyan ng chance”.

“Bakit kailangang kargahin ko lahat? Bakit lahat karga ko? Dahil tingin niyo ako yun kumikita?” Mangiyak ngiyak na sambit ni Pokwang.

Blood is still thicker than water

Aminado naman si Pokwang na hindi sa lahat ng oras ay makinang ang kanyang bituin bilang artista.

Sabi niya ay darating din ang panahon na malalaos siya. Kaya nga habang kaya pa niya ay sinusubukan niya ang pagnenegosyo para may extra siyang kinikita.

“May obligasyon din ako.”

“Yung trabaho natin, hindi ito panghabambuhay. Kaya nga ngayon hangga’t nandito pa ako kahit papaano, nag aano ako para sa mga anak ko.”

Credit: Ogie Diaz/Youtube

May mensahe naman si Pokwang para sa mga kapatid na pasaway.

“Tapos na ako dun para sa inyo. Para sa’yo. Tama na. Tapos na ako dun.”

“Naibigay ko na yung para kay mama. Napasaya na natin siya. Natulungan ko din naman kayo siguro kahit papaano.”

“Yung mga anak ko naman. May maliit pa ako.”

Sa huli ay sinabi ni Pokwang na hindi rin naman niya matitiis ang kanyang mga kapatid.

Ayon sa kanya, “At the end of the day, kapatid ko sila.”

“Hindi ko sila matitiis.”

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.