Isinugod sa ospital ang aktor na si Diether Ocampo matapos magtamo ng mga pinsala kasunod ng isang aksidente sa sasakyan sa Osmeña Highway Biyernes ng madaling araw.
Minamaneho ni Diether ang kanyang SUV nang sumalpok ito sa likod ng isang garbage truck sa service road ng Osmeña highway southbound lane bago makarating sa Arnaiz Avenue sa Makati City bago mag-1 a.m., ayon sa ulat ng GMA News.
Pansamantalang natigil ang garbage truck sa gilid ng highway nang mangyari ang aksidente habang namumulot ng basura ang mga kolektor.
Pahirapan naman ang pag rescue kay Diether na nagtamo ng sugat sa katawan.
Sabi pa ng responder na si Joey Alicante ng Bantay Bayan, Brgy Pio Del Pilar sa Makati, “Parang nagri resist siya. Parang ayaw magpadala. Parang ayaw siyang magpakuha dun sa mga Red Cross personnel.”
Pero kalaunan naman ay naialis din siya sa kanyang nawasak na sasakyan at naisugod sa ospital.
Positibo naman daw na nakainum si Diether ayon pa kay Alicante.