Maingay na pinag-uusapan ngayon sa social media ang trending video ni Sen. Imee Marcos na pinamagatang “Bitter Len-Len“.
Ang video na ito ay ipinost sa Facebook page ng Vincentiments, ang parehong grupo na gumawa ng parody ng “nabudol ka na ba?” video ni Angelica Panganiban.
Sa ngayon ay meron ng 2.7 million views ang naturang video na idinirek ni Darryl Yap.
Sa nasabing video ay may kachikahan si Sen. Imee, ang Viva artist na si Roanna Mercado.
Unang linya palang ng senadora pasabog na.
“Huy ‘di ba sinabi ko sa inyo, huwag ng nagpapapatol sa social media? Ako ba nakita ninyong sumasagot dyan sa social media?”
“Nakita mo ba ako na nakikipagpatutsadahan dyan sa mga basher na yan?”
Kwela pang dagdag ni Sen. Imee, “Imagine kung nagpapapatol ako…hay apo! Sa dami ng nagbabash sa amin, baka hindi ako ganito kaganda at my age.”

At ng hinigop na niya ang kanyang kape ay bigla na lamang siyang napasambulat at tinawag ang gumawa nito.
“Len-len, Len-len, Len-len! Ang pait!”
Sa linya pa lamang na ito ni Sen. Imee ay nanghula na ang mga netizens kung sino nga ba si Len-len sa totoong buhay?
Samantala, bigla namang sumabat ang kaeksena ng senadora na si Roanna na, “E sumusobra na po kasi! Kung makapagsalita akala mo ang lilinis. Akala mo ang gagaling. Dapat sinasampolan kasi yan ma’am.”
Sinagot naman siya kaagad ni Sen. Imee, “Paano? Makikipagsabayan sa dumi ng isip ng mga ‘yan? Makikipagsiraan? Mangaasar?”
Tanong pa ng senadora, “Patola ka kasi. Isa ka bang kabatiti (patola)?”
Ang nakakatuwa dito ay maya’t maya naman ang reklamo niya kay Len-len dahil sa sobrang pait ng ginawa nitong kape.
Inihalintulad din ni Sen. Imee ang pakikipag usap sa mga bashers sa social media sa mainit na kape.
“Ang pakikipagusap, parang kape yan! Tama naman ang mainit. Umuusok. Yung coffe beans, yan ang issue.”
“Ang hot water, yan ang brain cells mo. Dapat matunaw ang substance para dama ang aroma at sustansya.”
“Yung cream o milk, yan ang simpleng dagdag ng mga life experiences. Kaunting cream of learning, adding richness to the conversation.”
“Ngayon yung sugar, depende yan sa kausap. Kung bet mong magpaka sweet o kahit hindi mo gusto ang takbo ng usapan, tamisan mong konti para hindi na magkasamaan.”
Idinagdag pa ni Sen. Imee na hindi dapat makipagsabayan sa mga bashers para lang maipakitang angat ka sa kanila.
“Eh bakit mo gagayahin ang timpla nya, kung hindi naman ganyan yung timpla mo? Bakit ka iinum ng kape ng may kape?”
Tila hindi rin apektado ang senadora sa mga bashers na patuloy na nagtatapon ng mga paninira sa kanya at sa kanyang pamilya. Syempre inihalintulad nya rin ito sa pag-inum ng kape.
Ayon pa sa kanya, “Matatapunan lang ako ng kape kapag kasama ko ang nagkakape. Hindi ako nakikipagkape sa ayaw kong kausap.”
“Paano ako matatapunan? Paano ako maapektuhan? Paano ako maapektuhan sa mga tinatapon sa akin? Kung di ko naman pinapahalagahan ang mga nagsasabi?”
“Coffee is precious! Spend it with people who truly matter. Ang kape, pampa-relax. Hindi pampa bitter. Maliwanag?”
Sa huli ay may mensahe si Sen. Imee sa mahiwagang si Len-len.
“Ang kape ko laging matapang. Pero never naging bitter!”