Willie Revillame hindi pumirma ng kontrata sa GMA 7 dahil sa delicadeza

Tinuldukan na ng Wowowin host na si Willie Revillame ang totoong dahilan ng hindi niya pagpirma muli ng kontrata sa GMA 7.

Binasag ni Willie ang kanyang katahimikan sa kabila ng mga haka haka sa social media tungkol sa totoong nangyari sa pagitan nila ng istasyon.

Salungat sa sinasabi ng iilan na walang kontratang inialok muli sa kanya ay ibinunyag ng TV host na matagal ng naibigay sa kanya ito at hinihintay na lamang ng kampo ng GMA 7 na pirmahan niya ang kanyang bagong kontrata.

Ayon pa kay WIllie, “For the past one month, hirap na hirap po akong magdesisyon. Hindi ako nakakatulog, hindi ako nakakain.”

Ipinakita ni Willie ang bagong kontrata niya sa GMA 7 na halos isang buwan na palang naibigay sa kanya.

“Hindi ko mapirma pirmahan kasi hindi ko pa ho alam ang desisyon ko sa buhay ko. Kaya yung mga nagsasabing walang kontrata, wag ho kayong maniniwala kung kani kanino. Sa akin kayo maniwala.”

Sinabi ni Willie na humingi siya ng dagdag na panahon para makapag isip kung pipirma ba siya o hindi.

“Actually po ang kontrata, 3 months before inaalam na po ng kumpanya kung magri renew ka pa. Nakiusap po ako.”

“Nung una after ng pandemic 6 months lang hiningi ko, binigyan nila sa akin kasi sabi ko, hindi ko alam. Then after nang 6 months natapos na po ng February, binigyan nila ulit ako ng 1 year.”

Matatapos pa sana sa 2023 ang kontrata ni Willie sa GMA 7 kung pumirma pa ito.

Ang totoong nangyari sa meeting nila ni Manny Villar

“Sasabihin ko ho sa inyo kung anong totoo para wala na kayong pinakikinggang iba.”

Dito ay ikinuwento ni Willie kung ano nga ba ang pinag usapan nila ni dating Senator Manny Villar sa Tagaytay noong February 2.

Ayon sa kanya ay sabay silang naglunch ni dating Senator Manny kasama ang anak nitong si Congresswoman Camille Villar.

“Nag usap ho kami ni Senator Manny Villar, it’s about… ang sabi niya may frequency, may franchise, pwede na.”

“Pero ang sabi ko, ano ho ba ang plano nyo? Wala pa siyang plano. Zero. Kasi wala daw siyang alam sa industriyang ito. That’s why kinakausap niya ako.”

Maaalalang nabili ng mga Villar ang dating frequency ng ABS CBN.

Pagpapatuloy pa ni Willie, “So sabi ko, ano po ba? Mabigat po yan eh. Kasi una sa lahat, anong kailangan natin? Lalabas kayo ng frequency, wala kayong transmitter. Walang transmitter eh. Yun ho ang nagbibigay ng signal sa buong Pilipinas. So problema po yan.”

Isa din sa nakitang problema diumano ni Willie ay wala silang content na pwedeng ipalabas magmula umaga hanggang madaling araw.

“Another problem is, wala naman tayong concept. Wala naman tayong content. Magmula sa umaga hanggang madaling araw, anong ipapalabas? So zero na naman.”

Ipinagpaalam din ni Willie na wala pang planong nabubuo sa pagitan niya at ng mga Villar dahil pinag aaralan pa diumano ng pamilya ang tamang hakbang sa pagbuo nila ng istasyon.

“So sa totoo lang, wala pang plano. Kasi una, hindi ho ganun kadali magbukas ng isang channel. Saan ang studio nila? Saan magsushow? Walang ilaw. Walang ganito. Hindi ho ganun kadali. It will take time. Yan ang totoo.”

Pinabulaanan din ni Willie ang mga tsismis na may kinakausap na silang mga artista para magtrabaho sa bagong istasyon ng mga Villar.

Una ng sinabi kasi ni Anthony Taberna sa kanyang Facebook live na mukhang may balak si Willie na piratahin siya.

Paliwanag pa ng TV host, “Yung mga sinasabi nyong may kinakausap na silang mga artista. Yung mga sinasabi nyo na, kinukuha si ganito. Hindi po totoo yan.”

“Ako po ang makikipag usap kahit kanino at hindi ko yan gagawin hanggat wala ako sa GMA 7. Wala pa kaming usapan kung ano ang deal namin ni Senator Manny Villar.”

Hindi magawang traydurin ni Willie ang GMA 7

Hindi raw maatim ng kunsensya ni Willie na traydurin ang istasyong kumupkop sa kanya at sa kanyang programa ng halos anim na taon. Kaya naman idinetalye ng Wowowin host kung bakit hindi niya magawang pirmahan ang bagong kontrata.

“For delicadeza.” Yan ang mariing tugon ni Willie.

“Magsushow ako sa GMA habang ako namay nagpaplano sa isang istasyon na kalaban ng GMA? Hindi ho tama yun. Sa sobrang bait ng mga tiga GMA. Sa sobrang bait na ipinakita nila sa akin. Hindi ko magagawa na tatraydurin sila.”

“Kahit ang bigat sa loob ko. Isang paa ko naka forward. Isang paa ko hindi ko maigalaw dahil ang bigat.”

Ayon pa kay Willie ay napamahal na sa kanya ang istasyon at ang mga nakatrabaho niya dito ng halos anim na taon at walong buwan. Wala rin daw diumano siyang naging problema sa kanila sa loob ng mga panahong iyon.

Ikinuwento din niya na nagpadala siya ng sulat kay Felipe Gozon ang CEO ng GMA 7.

Doon ay ipinaliwanag niya ang lahat kung bakit hindi na niya magawang manatili pa sa istasyon. Nagpasalamat din siya sa lahat ng tulong at suportang ibinigay nito sa kanya at sa kanyang programa.

Sinabi din ni Willie sa sulat na ang offer ng mga Villar ay magandang oportunidad para sa kanya para makapag explore ng bagong karera maliban sa pagiging TV host.

Ayon pa sa bahagi ng sulat ni Willie, “Nandito po ako ngayon sa sitwasyon ng buhay ko na may magandang opportunity na dadating. Na magiging parte po ako ng isang kumpanya na andyan po ang aking kaalaman which is TV broadcasting at entertainment. Hindi ko po magawang magsinungaling sa inyo, kaya po ako sumulat at ipaalam sa inyo ang aking pinagdadaanan. FLG sana po maintindihan nyo na hindi po habambuhay na ako ay haharap sa telebisyon bilang TV host.”

Binunyag din ni Willie na sinagot ni Ginoong Gozon ang kanyang sulat at sinabi nitong naiintindihan niya ang pinagdadaanan ng TV Host at maluwag nitong tinatanggap ang kanyang naging desisyon.

Iminungkahi rin sa sulat kung hanggang kailan lamang pwedeng umere ang show ni Willie.

Ayon pa sa bahagi ng sulat ni Ginoong Gozon, “We would like to propose, however, that we mutually end your program Wowowin, in GMA 7 on Friday, February 11, 2022, instead of on a Tuesday, on February 15, 2022.”

Share this article
Erie Swan