Vice Ganda at Ion Perez nagpalitan ng “I do” sa Las Vegas

Trending ngayon ang It’s Showtime host na si Vice Ganda at Ion Perez dahil sa kanilang rebelasyon na sila ay kasal na.

Ginanap ang simpleng seremonya sa The Little Vegas Chapel sa Las Vegas. Pareho namang nakasuot ng puti ang magsing irog.

Unang binanggit ni Ion ang kanyang wedding vow para kay Vice.

Ayon pa sa kanya, “Nandito ako, pero nandito talaga ako. Buong buo yung loob ko na makasama ka. Wala akong masabi. Basta mahal na mahal kita Tuy. I love you.”

Kitang kita naman sa mga mata ni Ion kung gaano niya kamahal si Vice na panay ang ngiti habang binabanggit ng kanyang groom ang wedding vow nito.

Credit: Vice Ganda/Youtube

Naging malumanay naman ang boses ni Vice habang binabanggit ang kanyang wedding vow para kay Ion.

Ayon kay Vice, “Noy, mahal na mahal din kita. At ang saya saya ko na ikaw ang kasama ko ngayon. Ikaw yung kasama ko kahapon. At ikaw yung alam ko na makakasama ko pa rin bukas at sa mga susunod pang araw.”

“Yun ang ipinagdadasal ko na Lord sana sa mga susunod na araw, ikaw parin yung kasama ko at ako parin yung kasama mo. Magkasama parin tayo, kasama ng mga mahal natin sa buhay.”

“I promise na, mag-iipon pa ako ng maraming maraming maraming pagmamahal sa puso ko. Para makaya ko pang mahalin yung sarili ko at makaya ko pang mahalin ka at pati na yung mga mahal natin sa buhay.”

“I promise na, aalagaan ko yung sarili ko. Kakain ako sa tamang oras para hindi ka na magagalit. Aalagan ko yung kalusugan ko para maging malakas ako. Para mapanindigan pa natin ‘tong sinimulan nating dalawa.”

“I promise na iisipin ko yung katawan ko, yung health ko, kasi alam ko pag may sakit ako nalulungkot ka. At alam ko pag may sakit ako nanghihina ka. Alam ko pag may sakit ako nininerbyos ka at tsaka namumroblema ka.”

“And I promise to be a better person. Every day I will try to be a better person. Every day I will try to be a kinder person. At lahat ng gagawin ko sa buhay ko, isa ka sa magiging inspirasyon ko. At isa ka sa mga pag aalayan ko ng magagandang bagay na mangyayari sa buhay ko.”

“You will be one of the best reasons for all of my achievements. And I promise na isa ka sa magiging dahilan kung bakit gusto ko pang mabuhay bukas at sa mga susunod na araw. I love you.”

Credit: Vice Ganda/Youtube

Pagkatapos nila banggitin ang kanilang wedding vows ay isinuot nila sa isa’t isa ang kanilang wedding ring sabay sambit ng mga katagang, “Today I commit myself to you.”

At nang sinabi ng officiating priest na “You may kiss” ay nagyakap ang bagong kasal. Tatlong beses ding hinalikan ni Ion si Vice sa noo.

Nagsimula ang love story ni Vice at Ion sa It’s Showtime.

Unang nabanggit din ni Vice na opisyal na silang magkasintahan ni Ion sa portion na “Magpasikat” noong 2019.

Marami ding pinagdaanan ang dalawa bago pa man humantong sa kasalan.

Share this article
Erie Swan