Inendorso na ng sikat na television host na si Willie Revillame si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio bilang kanyang manok sa pagka bise-presidente para sa darating na eleksyon sa Mayo.
Para ipakita ang kanyang pag-endorso sa Davao City mayor sa live episode ng kanyang show na Wowowin na ginanap sa Cebu City Sports Center Biyernes ng gabi, ay hinarana ni Willie si Mayor Sara ng kanyang sikat na kanta na “Ikaw Na Nga”.
Nakasuot ng berde, ang kulay ng kampanya ng mayora ay tinukoy ng TV host ang alkalde bilang “Ilaw ng Tahanan” sa kanyang kanta.
Pero bago pa man mag umpisa ang kanyang kanta ay nauna ng nagbigay ng kanyang mensahe kay Mayor Sara ang kanyang ama na si pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon pa sa pangulo, “So ‘day, be true to your country. Work hard for the people. And the reward… I think maybe are there made in heaven. Trabaho ka lang and be good. I love you.”
Narito naman ang bahagi ng lyrics ng kanta ni Willie:
“Inday Sara ang siyang kailangan ng bayan. Ang siyang magbibigay ng saya, ng ngiting kay tamis sa kanino man. Inday Sara ang siyang ilaw ng tahanan. Sa piling mo’y matatagpuan bukas na kay ganda sa ating bayan. Sara ikaw na nga.”
Pagkatapos ng kanyang kanta ay nangako naman si Willie kay Mayor Sara na tutulung ito sa kanya sa abot ng kanyang makakaya.
“Basta Mam Sara, kung anong matutulong namin sa ‘yo. Kung anong matutulong ko. Kung kailangan mo ‘ko, walang kabayaran. Wala. Ang gusto ko lang, ang ngiti sa labi nga ating mga kababayan.”
Dagdag pa ng TV host, “Ilagay nyo sa isip at sa puso nyo, isa lang ang maging ilaw ng tahanan. Sa puso nyo, Sara Duterte.”
Ang alkalde ay tumatakbo bilang bise presidente ng Lakas-Christian Muslim Democrats habang si Ferdinand “Bongbong” Marcos naman ang standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas. Sama-sama ay tinatawag nila ito na UniTeam.