Sen. Manny Pacquiao hinamon ng one-on-one debate si Bongbong Marcos Jr., “Baka nahihiya siya”

Hinamon ng one-on-one debate ni senator Manny Pacquiao ang kanyang kapwa presidentiable na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Hinala ni Pacquiao baka nahihiya lang si BBM na humarap sa debate kung saan present ang lahat ng mga presidential candidates.

Kaya iniimbitahan niya ito na magharap silang dalawa para lamang maipakita sa taumbayan ang kanyang mga plataporma at plano para sa bansa.

Ayon pa sa senador, “Baka nahihiya siya pag maraming nag-aattend. Ok sa akin mag debate na kaming dalawa lang. Kaming dalawa lang. Tingnan natin kung ano yung plataporma niya at plataporma ko.”

“Baka alanganin siya kasi maraming nag-aatend sa debate. Baka mahiyain siya. Eh di hamunin natin ng one-on-one nalang para malaman ng taumbayan.”

Mungkahi pa ni Pacquiao, mas makakabuti kung ang Commission on Elections rin ang mag-oorganisa ng nasabing one-on-one debate. At kung saan ang poll body din ang maglalatag ng guidelines.

Nais rin ni Pacquiao na walang advance topic o questions ang ibibigay sa kanila dahil nakahanda naman daw siya diumanong sagutin ang lahat ng tanong na ibabato sa kanya.

Kung hihilingin naman daw ng kampo ni BBM na magbigay ng advance na mga katanungan o mga topic na mapag-uusapan sa debate ay meron namang suhestiyon ang senador.

“Eh kung gusto niya eh di i-advance natin yung question, yung mga pag-usapan, yung mga topic. Pwede naman pag-usapan natin kung saan galing yung ill-gotten wealth. Pag usapan natin yung anong nagawa niya sa pagserbisyo niya sa gobyerno. May nagawa ba siya? Pag usapan natin yung issue niya sa taxes. Pag usapan natin yung involvement niya kay…oo tama pala kay Napoles. Eh kasali siya kay Napoles.”

Gayunman ay sinabi ni Pacquiao na may karapatan parin si BBM kung talagang ayaw nitong lumahok sa anumang uri ng debate.

Dagdag pa niya, “Karapatan niya yun. Pero ang taumbayan ang mag-iisip nun kung bakit siya tatanggi at bakit ayaw niyang sabihin yung plataporma niya. Mabuti na yung recorded na sinasabi yung plataporma para pagdating ng panahon mahanapan natin siya.”

Samantala, wala pa namang reaksyon si BBM tungkol sa mga patutsada na ito ni Pacquiao.

Share this article
Erie Swan