Isang kakaibang Toni Gonzaga ang humarap sa mga taga suporta nina Ferdinand “Bongbong” Marcos at Mayor Inday Sara Duterte kagabi March 22 sa kanilang Uniteam rally sa General Trias, Cavite.
Kuhang kuha ni Toni ang pulso ng mga tao habang nagsasalita tungkol sa kung papaano malalampasan ang diskriminasyon dahil sa pagsuporta kay BBM.
Ayon pa sa kanya, “Napakasarap po ang makasama sa rally ng Uniteam. Sapagkat sa Uniteam hindi uso ang cancel culture. Ang buhay na buhay sa Uniteam…Filipino culture.”
Naghiyawan naman ang mga tao ng binanggit ni Toni ang tungkol sa cancel culture. Alam kasi ng mga dumalo doon na isa siya sa naging biktima nito.
Maaalalang sobra siyang binatikos dahil sa pagpanig niya sa Marcos-Duterte tandem. Dahil dito ay naging kontrobersyal din ang kanyang pagbibitiw bilang host ng Pinoy Big Brother ng ABS-CBN.
Tinalakay din ng TV host ang pagkakaiba ng mga BBM-Sara supporters sa ibang mga tagasuporta ng mga kandidato.
Sabi pa niya, “Kung ang puso ng iba, punong puno ng galit. Ang puso nating lahat punong puno ng pagmamahal at pag-unawa.”
“Hindi kami bayad!” Iyan naman ang isinisigaw ng mga BBM-Sara supporters ng tinanong sila ni Toni kung bayad ba ang kanilang pagpunta sa rally.
Nagbigay din ng payo si Toni sa mga nagmamahal at sumusuporta kay BBM na nakakaranas ng panlalait mula sa iba.
“Kaya po katulad ni BBM, hindi na po dapat natin pinapatulan ang ganyang bagay. Dahil kapag alam ninyo ang katotohanan hinding hindi kayo kayang sirain ng kasinungalingan.”
“Kaya naman po sa lahat ng nang aaway sa inyo, nangungutya sa inyo, pinipintasan kayo. Katulad ni BBM ‘wag na po tayong lumaban. Patuloy tayong magpakumbaba. Dahil katulad ni BBM laging nagpapakumbaba, kaya naman si BBM lalong tumataas.” Pagtatapos pa ni Toni.