Kris Aquino nagpunta sa Tarlac kahit mahina pa para i-endorso si Leni Robredo

Isang nanghihinang Kris Aquino ang nagpakita sa grand rally ni Vice President Leni Robredo sa Tarlac City noong Miyerkules upang i-endorso ang kandidatura nito sa pagkapangulo. Hinimok din nito ang mga botante na labanan ang posibleng pagbabalik ng diktadura.

Ang bunsong kapatid na babae ng yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay nagsalita nang mas mabagal kaysa karaniwan habang ipinapaliwanag niya kung bakit niya ini-endorso si VP Leni.

“The reason na ang puso ko na kay VP Leni, simpleng simple. Kasi po…I will reveal a secret kasi alam nyo naman ako madaldal. Nung namatay po si Noy, may sulat akong nabasa. Na inadress niya kay VP Leni. Hindi po napadala ito. I will not reveal kung anong yung ibang laman nun dahil confidential na yun. Pero meron isang paragraph na talagang tumama sa puso ko.”

Si VP Leni at ang yumaong pangulo ay parehong kabilang sa Liberal Party.

“Sinabi po ni Noy, sa lahat ng kapartido sa’yo ko nakikita na iisa ang pananaw, iisa ang vision. In other words, sinabi ni Noy na, sayo ko nakikita yung sincerity at yung ability ang mga tao bago ang sarili.”

Nabanggit din ni Kris na ang kanyang kapatid at si VP Leni ay parehong masipag at hindi mahilig magpa picture habang nasa trabaho. Sinabi niya na pareho rin silang hindi gagawa ng korupsyon.

“Alam nyo po nung nabasa ko yun sinabi ko sa sarili ko, you have to fight for her dahil sa kanya bilib si Noy. And totoo naman eh. Marami silang qualities na pareho. Number one, kahit na kung anu-ano na ang binabato hindi pumapatol. Number two, hindi papicture ng papicture lang. Number three na napaka importante, katulad ni Noy, matuwid na daan dahil hindi nanakawin ang pera ninyo.”

Napansin din niya ang simpleng pamumuhay ng bise presidente. Inihalimbawa nito ang pananatili VP Leni sa iisang bahay mula noong miyembro pa siya ng House of Representatives hanggang sa ngayon.

“Dahil nakita ko po kung gano kasimple sya. Naramdaman ko po yun. Na kung saan sila nakatira nung nag interview ako sa kanya, para po maging vice president, hindi siya umalis dun. And nakita ko po talaga na ang mga damit niya, simple. Naramdaman ko na gusto niyang magtipid. And kitang kita ko po talaga na ang puso niya may malasakit sa inyong lahat.”

Sa kasalukuyan, si Kris ay merong isang autoimmune disease na nagpapahina sa kanya. Sumailalim din siya sa ilang mga eksperimentong pamamaraan ng paggamot.

Nakatakda siyang umalis papuntang ibang bansa para sumailalim sa ilan pang mga tests. Kaya naman ipinauubaya na niya sa kanyang matalik na kaibigan na si Angel Locsin ang pangangampanya kay VP Leni.

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.