Nakipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nangyari ang hindi inaasahang pagpupulong ng dalawa ilang araw bago hayagang inendorso ng partido ng administrasyon na PDP-Laban ang kandidatura ni Marcos sa loob lamang ng mahigit isang buwan bago ang halalan sa Mayo 9.
Ito ay kinumpirma mismo ng matagal nang Duterte aide na si Senator Christopher “Bong” Go, na naroroon sa ginanap na pagpupulong noong Linggo, Marso 20.
Sinabi ni Go na naging “productive” ang pagpupulong nina Duterte at Marcos, kung saan ibinahagi ng Chief Executive ang kanyang mga karanasan at nagbigay din daw siya diumano ng payo sa pagkapangulo.
Nangyari ang pagpupulong bago pa man inihayag ng PDP-Laban Cusi wing, na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang pag endorso sa presidential bid ni Marcos.
Hindi naman inaasahan ng ilan ang pagpupulong na ito dahil una na ngang tinawag na weak leader ni Duterte si Marcos.