Hindi pinalampas ng komedyanteng si Juliana Parizcova Segovia ang ayon sa kanya ay pagtatraydor ng isang dating kaibigan sa kanya at paglabag sa privacy ng kanyang ina.
Lumutang kasi sa social media ang isang lumang convo niya sa messenger tungkol sa kanyang pangangailangan ng P300K noong 2021.
Ngunit ang mas lalo pang nakapag painit sa ulo ng komedyante ay nang hindi man lang itinago ang pangalan ng kanyang ina pati narin ang personal phone number nito.
Sa isang mahabang post ni Juliana ay tila naniniwala siya na may kinalaman sa pulitika ang nasabing pagsabotahe sa kanya.
Maaalala na hayagang sumusuporta si Juliana sa Uniteam tandem nina Ferdinand “Bongbong” Marcos at Mayor Sara Duterte.
Lumabas din siya sa mga parody ng Vincentiments, ang Kape Chronicles kung saan hayagang binabatikos si vice president Leni Robredo. Nakasama niya dito si senator Imee Marcos at idinerek ni Darryl Yap.
Dahil sa paglabas ng lumang convo na ito ni Juliana ay naglabas siya ng kanyang official statement para kondenahin ang nasabing pagtraydor sa kanya.
“Magandang Gabi po sa inyong lahat, bagamat ang inyong lingkod po ay hindi na naaapektuhan ng kaliwa’t kanang pang-aalipusta mula nang ako ay nagpahayag ng pagsuporta sa #Uniteam at lumabas sa mga Viral Videos ng #Vincentiments; Ako po ay nagpasyang huwag palampasin ang isyung ito dahil sa mga teknikalidad na bumabalot at nakakabit sa post na walang ibang layon kundi ang ako ay ipahiya.”
Hindi itinanggi ni Juliana na siya ay nabaon sa utang dahil sa kawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
“Hindi ko po ikinahihiya na simula noong pandemic, ang akin pong pamilya ay nabaon sa utang dahil sa kawalan ng pinagkukuhanan ng panggastos bunga ng kawalan ng trabaho; kasabay po nito ay hindi ko rin masingil ang mga taong nagkakautang din sa akin dahil pare-parehas po tayo ng pinagdadaanan, Ikinahihiya ko po ba ang yugto ng buhay kong ito? Hindi po. Alam kong halos lahat, kundi man lahat ay tunay na pinadapa ng pandemya.”
Itinanggi naman niya na ang pagsama niya sa Uniteam ang siyang dahilan kung bakit siya nakapagbayad sa mga iilang napagkautangan niya.
“Ikinararangal ko pong hindi ang pagsama ko sa Uniteam ang dahilan kaya ako nakapagbayad sa iilan, hindi ko rin idedeny at alam ito ng Viva, na ang sweldo ko po sa mga pelikula ay derechong nakabawas sa lahat ng mga ito.”
Dito na kinondena ni Juliana ang pagsapubliko ng pangalan at numero ng kanyang ina. Tinawag din niya itong isang pag traydor at uri ng pang aalipusta.
“Gayunpaman, kalabisan na siguro na hindi man lamang binura ang pangalan ng aking ina at kanyang personal na numero ng telepono; at ngayon ay hindi pinatatahimik ng mga kaugali ng nagpost laban sa akin; hindi lamang traydor kundi walang modong piniling ipaalipusta ang malungkot na bahagi ng buhay ng isang tao at lapastanganin ang kanyang ina; para lamang makaganti, dahil hindi kayang tapatan ng content ang content ng kaibigang minsang naging mabuting tao sa kanila at nagkataon lamang na magkaiba ang pulitikal na desisyon.”
Ayon pa kay Juliana ay hindi siya kayang sirain ng inggit at galit ng iilan sa kanya. Sinabi din niya na ang convo na isinapubliko ay noon pang 2021.
“Ako po ay nagtatrabaho, ako po ay Pilipino, may Kalayaan at Karapatan at hindi kayang sirain ng mga hakbang ng mga taong matagal nang sinira ang kanilang sarili, sa ngalan ng inggit, galit at kawalan ng batong maipukol sa gusto nilang masaktan. Magandang Gabi po muling, lalo na sa mga makakaharap ko sa darating na mga araw. Salamat. FYI: 2021 pa po ang convo na yan.”
Sa kasalukuyan ay meron ng 4.9k reactions ang nasabing post na ito ni Juliana.