Halos himatayin ang mga Pinoy fans nang maging ‘real life’ ang on-screen romance ng dalawang bida ng isa sa pinakasikat na Korean drama series na tumama sa bansa, ang ‘Crash Landing On You’.
Dahil sa kasal ng mga bidang sina Hyun Bin at Son Ye-jin ay tila nagkaroon ng panandaliang break ang mga netizens mula sa mainit na bangayan sa pulitika ngayong panahon ng kampanya. Kahit papaano ay nabawasan ang ‘toxicity’ sa social media nitong mga nakaraang linggo.
Dahil sa pananabik ay hindi napigilan ng mga fans na i-share ang mga larawan at video ng seremonya ng kasal ng mag-asawa sa Twitter. Nag-trending sa Twitter ang hashtag na #TheBinJinWedding, na umani ng halos 113,000 tweets.
Ayon pa sa isang tweet, “Yeah sorry but I can’t shut up about the most gorgeous bride and groom of all time Son Ye-jin and Hyun Bin They’re perfect in every way.”
Samantala, sa isang video na ipinost mula mismo sa venue ng kasal ay makikita ang bride na naglalakad papunta sa altar sa saliw ng kantang “Can’t help falling in love.”

Simula pa noong bisperas ng seremonya ay punong puno na ang social media ng mga ‘official wedding portraits’ nina Hyun at Son. Ang agency ni Hyun Bin na VAST Entertainment ay nagpost sa Instagram noong Huwebes ng mga unang larawan ng mag-asawa.
Pinasalamatan din ng VAST Entertainment ang mga fans para sa kanilang pagmamahal at suporta para sa bagong kasal, at tiniyak nila na susubukin ng dalawa na ibalik ang natanggap na pagmamahal.
Ang pribadong kasal nina Hyun at Son ay ginanap noong 4 p.m. (Korean time) sa Grand Walkerhill Seoul sa Gwangjin-gu, eastern Seoul. Dinaluhan ito ng mga magulang, kamag-anak, at kaibigan ng mag-asawa, kabilang na ang sikat na Korean star at bestfriend ng bride na si Gong Hyo Jin.