Manny Pacquiao muling binanatan si Bongbong Marcos tungkol sa droga

Sinabi ni Presidential bet at Senator Manny Pacquiao na malamang na nag-aalinlangan si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-endorso ng kandidato sa pagka-presidente dahil ilalagay nito ang kanyang anak sa isang mahirap na sitwasyon.

Si Davao City Mayor Sara Duterte ay tumatakbo sa pagka-bise presidente at siya rin ang running mate ni dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

Ispekulasyon ni Pacquiao na tiyak na may gustong iendorso ang Pangulo, ngunit hindi magiging paborable ang mga pangyayari dahil sa pagtakbo ni Sara kasama si Marcos Jr.

“Ayaw niyang maipit yung anak niya.” ‘Yan ang sabi ni Pacquiao tungkol sa hindi pag endorso ni Duterte kay Marcos Jr.

Ngunit may isang bagay na sigurado si Pacquiao at iyan ay ang labis na pagkasuklam ng Pangulo sa droga at katiwalian.

Ayon pa sa kanya, “Alam mo ito ha. Kilala ko si President. Kilala ko, kaibigan ko yan. Tumira ako ng Davao eh. Pag sinabi niya, sinabi niya. Halimbawa pag may bisyo ka, may isyu ka ng drugs, may isyu ka ng korupsyon.

“Pag sinabi niyang ayaw niya ng korapsyon, ayaw niya ng drugs. Ayaw niya talaga ng drugs, illegal drugs. Eh mag-iendorse siya, paano siya mag-iendorso pag ganoon?”

“Di ba na-isyu si Bongbong sa illegal drugs?” Banat pa ni Pacquiao kay Marcos.

Noong Huwebes, Marso 31 ay sinabi ni Duterte na nais niyang manatiling ‘neutral’ kahit na ang kanyang partido na PDP-Laban at ang paksyon na kanyang pinamunuan, ay nag-endorso kay Marcos Jr. para sa pagkapangulo.

Noong 2021, sinabi ni Duterte sa isa sa kanyang mga talumpati na mayroong kandidato na diumano ay gumagamit ng cocaine. Tinawag din niya ito na isang ‘weak leader’ at nakaasa lamang sa apelyido ng kanyang ama.

Hindi pinangalanan ni Duterte ang kandidatong gumagamit ng cocaine ngunit sa mga kandidato sa pagka presidente ay si Marcos Jr. lamang ang mayroong sikat na ama.

Sinabi naman ng kampo ni Marcos na hindi ito naramdaman na siya ang kandidato nila ang tinutukoy ng mga pahayag ni Duterte. Sabay tanggi na gumagamit ang dating senador ng cocaine.

Nitong linggo, inilabas din ni Duterte ang isyu ng hindi nabayarang estate tax na lumubo na sa P203 bilyon. Tinanong din ni Duterte ang Bureau of Internal Revenue kung bakit hindi pa ito kinokolekta.

Share this article
Erie Swan