Nakiusap ang alkalde ng Tarlac City sa Tarlac, ang sariling lalawigan ng angkan ng mga Aquino, sa kanyang mga nasasakupan na kailangan ng kalimutan ang nakaraan at magpatuloy sa hinaharap. Nagpahayag din siya ng kanyang suporta sa presidential bid ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa grand rally ng tandem ni Marcos Jr. at ng kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay sinabi ni Tarlac City Mayor Cristy Angeles na “history in the making” na ang isang Marcos ay tumuntong sa Tarlac City.
Ayon pa kay Angeles, “Tapos na ang away ng mga kulay. Nandito tayo ngayon para magkaisa ng tunay. Tapos na yung mga nakaraan. Time to move on.”
“Pabayaan natin yung mga bumabatikos. It’s time for forgiveness and healing.”
Ang rally ay ginanap sa Tarlac City Plazuela kung saan nakatayo ang isang monumento ng yumaong dating senador na si Benigno S. Aquino Jr., isang pangunahing oposisyon noong panahon ng yumaong dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Nakaharap ang monumento ni Aquino sa mismong entablado kung saan umapela si Marcos Jr. sa mga Tarlacqueño na ihalal siya sa Malacañang. Ngunit ang monumento ng yumaong senador ay bahagyang natatakpan ng tent.