Inihayag ni Comedy Concert Queen AiAi delas Alas na sinusuportahan niya ang kandidatura ni presidential aspirant at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang running mate nito na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa darating na eleksyon sa Mayo 2022.
Sa miting de avance para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) noong Biyernes, Abril 1, ay idineklara ni AiAi ang kanyang suporta sa alyansa ng UniTeam.
“Binabati ko po ang lahat ng OFW sa lahat ng sulok ng mundo na ngayon ay nanonood at buong-pusong sumusuporta sa tambalang UniTeam BBM at Sara.
“Sana kayo ay nasa mabuting kalagayan, kung saan man po kayo naroroon na nag-eenjoy sa inyong pagtitipon at sa ating watch parties.”
“Ako po ngayon ay naimbitahan upang magbigay po sa inyo ng munting mensahe dahil bukod po sa ako ay tagasuporta ng UniTeam, ako rin po ay may pusong OFW. Pano ko naman yan nasabi? Dahil tuwing mag-aabroad ako at magko-concert sa ating mga kapwa Pilipino, nakikita ko po talaga, iniisip ko… kung ako nga nalulungkot ako eh mga 3 weeks o isang buwan lang akong mawalay sa pamilya ko, pano pa kaya itong mga OFW natin na dalawa o limang taon silang nawawalay sa kanilang pamilya?”
Ipinaliwanag din ni AiAi na naiintindihan niya ang lungkot na dinaranas ng mga OFW na mawalay sa kani-kanilang pamilya.
“Kaya ako po ay alam ko ang inyong pakiramdam kung gaano ba kalungkot ang mawalay sa ating pamilya para mabigyan lang sila ng mgandang kinabukasan. Kaya tayo man ay malayo sa ating pamilya at tayo po ay nasa ibang bansa at kung saan mang sulok ng mundo, sana ‘wag po nating kalimutan ang mensahe na tayo ay magkaisa. Tayo ay Pilipino, taas noo kahit kanino.”
Maalalang noong March 10, matapos mapabilang sa mga female celebrities na nakasuot ng pink bilang pagpapakita ng suporta kay presidential candidate VP Leni Robredo ay nilinaw ni AiAi na hindi niya sinusuportahan ang bise presidente sa kandidatura nito.
“Utang na loob NANAHIMIK AKO wag nyo akong masali sali sa mga ganito .. tahimik buhay ko.. lahat na lang.. huy!!!!”
Dagdag pa niya, “Tanging ina ko pa picture yan. Tanging ina ka kung sino ka man na gumagawa ng mga ganitong ka cheapan… pls hindi po ako vp LENI supporter.”