Matapos ang limang taon ay muling bumisita ang aktres na si Angel Locsin sa minsan ay naging sentro ng digmaan sa Mindanao, ang Marawi City.
Dalawang magkakaibang rason kung bakit pumunta si Angel noong 2017 at ngayong 2022. Noon ay namahagi siya ng mga relief goods samantalang ngayon ay bumalik siya para ikampanya ang kandidatura sa pagka pangulo ni vice president Leni Robredo.
Sa kanyang Facebook ay ipinakita ni Angel ang kanyang pakikipag halubilo sa mga naninirahan doon.

Sinabi ng aktres na kapag si Robredo ang nahalal na pangulo ay sisiguraduhin niyang magiging mabilis ang rehabilitasyon sa lugar na sinalanta ng digmaan.

Sa isang larawan naman ay pinakita ni Angel ang isang nagmistulang ghost town na lugar sa Marawi City dahil sa wala ng nakatira sa mga gusali winasak ng bomba.

Matatandaang naging impyerno ang buhay ng mga tao doon dahil sa bakbakan sa pagitan ng mga sundalo ng gobyerno at grupo ng Islamic State (ISIS) na tumagal ng halos limang buwan.

Pagkatapos bumisita ni Angel sa Marawi City ay dumiretso naman siya sa Cagayan de Oro City para ipagpatuloy ang pangangampanya kay Robredo.