Hindi obligadong magbayad ng P203B tax deficiency ang mga tagapagmana ni Marcos Sr.

Ang mga tagapagmana at tagapangasiwa ng ari-arian ng yumaong Pangulong Marcos Sr. ay hindi maaaring pilitin o idemanda sa korte para sa pag-iwas sa buwis kahit na tumanggi silang magbayad ng higit sa P203 bilyon deficiency inheritance tax assessment sa mga ari-arian ng huli.

Ito ang napagkasunduan ng mga regional directors at district officers ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa buong bansa ayon pa sa report ni Jun Ramirez ng Manila Bulletin.

Ipinaliwanag diumano ng field officials ng BIR, na humiling na ‘wag ng pangalanan, na ang estate tax ay ipinapataw sa mga ari-arian ng isang patay at hindi sa mga ari-arian na pag-aari ng kanyang mga kamag-anak.

Maaalalang iyan ang isa sa mga isyu na ipinupukol ng mga kalaban ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos sa kanya.

Ayon pa sa isa sa mga BIR regional director, “Hindi ko matandaan ang sinumang indibidwal na ipinadala sa kulungan para sa hindi pagbabayad ng nasabing buwis.”

Aniya, ang nararapat na gawin sa ilalim ng Tax Code at revenue regulations ay kunin at ibenta sa public auction ang mga ari-arian ng namatay para bayaran ang pagkakautang.

Dagdag pa niya, “Iyan ang ginagawa namin sa loob ng maraming taon mula nang mamatay ang dating pangulo, ngunit ang problema ay walang interesadong bilhin ang mga ito.”

Ginawa ng tax official ang paliwanag para sagutin ang mga kasong ibinato ng ilang political sectors na naging pabaya ang BIR sa pangongolekta ng nasabing buwis.

Dahil dito ay nakatakdang i-rebid ng BIR ang 11 ari-arian ng pamilya Marcos sa Tacloban City ngayong buwan. Ayon sa mga ulat ay ilang mga ari-arian na ni Marcos ang nasamsam ng BIR sa Metro Manila at sa iba pang lugar ngunit walang interesadong bidder nang i-auction ang mga ito.

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.