Inamin kamakailan ng aktor na si Carlo Aquino na hiwalay na sila ng model girlfriend nitong si Trina Candaza.
Sa panayam ng ABS-CBN News, “no na” ang sagot ni Carlo nang tanungin kung magkasama pa ba silang dalawa ni Trina.
Ayon pa sa kanya ay ngayong taon lang sila naghiwalay. Bagama’t hindi siya nagbahagi ng mga detalye tungkol sa breakup, muling iginiit ng 36-anyos na dating child star na sila ay “civil” at nasa isang co-parenting setup.
Paliwanag pa ni Carlo, “Nag-uusap kami and every once in a while nahihiram ko si Mithi pero siyempre dahil pandemic pa din yung safety muna niya.”
“Kapag may trabaho ako, lumalabas ako. Mag aantay ako ng ilang araw.”
Matatandaan na nagsimulang kumalat ang usap usapan na hindi maganda ang takbo ng kanilang relasyon noong Enero.
Ito ay matapos mapansin ng maraming netizens na nag-unfollow ang dalawa sa Instagram accounts ng isa’t isa.
Nakadagdag pa sa init ng isyu ay ang kanilang mga misteryosong post sa kani-kanilang mga social media account na inakala ng mga netizens ay patungkol sa bawa’t isa.
Hindi rin nakatulong na isinapubliko ni Trina ang kanyang pag-alis sa lugar ni Carlo, kasama ang kanilang isang taong gulang na baby girl.
Taong 2020 nang isilang ni Trina ang kanyang unang anak kay Carlo.