Ogie Diaz inendorso bilang senador si Robin Padilla

Nagpahayag ng suporta ang comedian at talent manager na si Ogie Diaz sa aktor na si Robin Padilla, na tatakbong senador sa eleksyon sa Mayo.

Sa isang video na in-upload ng aktres na si Karla Estrada, isang party-list nominee, tiniyak ni Ogie na hindi magsisisi ang mga botante kapag si Robin ang kanilang pinili na ilagay sa balota.

Saksi daw kasi siya sa pagiging matulungin ng aktor mula noon hanggang ngayon.

“Hi po. Ako po si Ogie Diaz. Ako po ay naniniwala na meron akong isang kandidato na siguradong-sigurado na hindi kayo magsisisi kapag ito ay naupo.” Panimula ni Ogie.

Dagdag pa niya “Sasabihin niyong artista lang ito, aktor lang ito, action star lang ito. Pero hindi po. Sa pagiging action star niya, hindi lang sa pelikula namin nakikita ‘yan kundi sa likod ng kamera.”

“Dahil si Robin Padilla po ay noon pa ay consistent na sa pagtulong sa kanyang kapwa. Saksi po ako dyan. Promise. Wa echos.”

Umaasa siyang mabibigyan ng pagkakataon ng mga botante si Robin na maglingkod sa bansa sa pamamagitan ng senado.

“Kaya sobra akong bilib kay Robin at ipinagdarasal ko na sana mabigyan ng chance si Robin na makaupo bilang senador sa darating na halalan. Number 49 po sa balota.”

“Naku, dyusko po Robin Padilla yan. Hindi dahil sa kanyang pangalan na isang sikat na artista. Hindi po. Sikat po yan sa pagtulong sa kapwa. Naku, mae-experience nyo yan, promise.” Pagtatapos pa ni Ogie.

Si Robin ay kumakandidato sa ilalim ng UniTeam nina presidential bet Ferdinand “Bongbong” Marcos at vice presidential bet Mayor Sara Duterte-Carpio. Samantalang si Ogie naman ay kilalang tagasuporta ni Vice President Leni Robredo.

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *