Herbert Bautista nagsalita na tungkol sa hindi ‘pagpapakasal’ kay Kris Aquino

Nagsalita na ang dating Mayor ng Quezon City na si Herbert Bautista tungkol sa patutsada ni Kris Aquino tungkol sa kanyang ex diumano na hindi tumupad sa pangako nito.

Sa grand rally ni Presidential candidate Leni Robredo noong Marso 23 sa Tarlac ay tahasang sinabi ni Kris na huwag iboboto ang kanyang ex boyfriend na tumatakbo bilang Senador sa ilalim ng Marcos-Duterte UniTeam tandem.

Kahit hindi man nagbigay ng pangalan ang Queen of All Media kung sino ang kanyang tinutukoy ay maraming netizens na kaagad ang nag-isip na si Herbert nga ito.

Kaya naman ng matanong ng vlogger na si Thinking Pinoy ang actor turned politician kung siya ba ang tinutukoy ni Kris na ex ay magalang ang kanyang naging tugon.

Ayon sa kanya, “Hindi ko alam eh. Hindi nya namention so I would assume… ayoko naman mag assume baka iba yun.”

Naging matipid naman ang kanyang naging sagot sa tanong kung bakit sila naghiwalay ni Kris.

“Mahabang kuwento yun. Siguro sa ibang interview nalang natin pag-usapan.”

Samantala naging matalinhaga naman ang naging sagot ni Herbert nang matanong kung marunong ba talaga siyang tumupad sa pangako.

“Una hindi ako nangangako. Ginagawa ko nalang, di ba? Kasi old school na yung nangangako ka. Now is not the time for promises. Now is the time for you to listen, to touch base, alamin mo talaga.”

“Ang pangako old school yun pare. With all the technology that we have, hindi ka pwedeng mangako ngayon.”

Nagkwento din siya tungkol sa hindi pagtupad sa ipinangakong pagpapakasal. Lumabas kasi ang mga balitang pinangakuan diumano ni Herbert ng kasal si Kris.

“Tsaka kung pangangako naman na personal yan, hindi rin ako nangangako ng personal eh.”

“Well merong law kasi na… yung law na ‘to, family code yata ito. Pag naipangako mo na yung invitation sa kasal tapos hindi mo itinuloy, that’s the breach of promise to marry. Pero kung nagkwentuhan lang kayo, tapos hindi natuloy, kwentuhan lang yun.”

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang tugon si Kris tungkol dito.

Share this article
Erie Swan