Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes na hindi niya susuportahan ang sinumang kandidato sa halalan sa Mayo 9 maliban sa kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na tumatakbo sa pagka-bise presidente.
Sa kanyang talumpati sa kanyang pagbisita sa isang evacuation center sa lalawigan ng Batangas, sinabi ni Duterte na tapos na ang kanyang termino at hindi siya susuporta sa sinumang kandidato.
Ayon pa sa kanya, “Ako wala na, tapos na ako. Hindi ako sumusuporta sa sinumang kandidato maliban, siyempre, ang aking anak na babae. Ako, boboto talaga ako sa anak ko.”
Si Duterte-Carpio ay tumatakbo kasama si dating senador Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr., na inilarawan ng Pangulo bilang isang “weak leader.”
Pinili ni Pangulong Duterte ang kanyang longtime aide na si Senator Christopher “Bong” Go bilang kanyang kahalili ngunit umatras ang huli sa karera noong Disyembre ng nakaraang taon.
Mula noon ay naging masikreto na ang Pangulo kung sino ang kanyang pipiliin na papalit sa kanya. Noong Marso, sinabi ni Duterte na ang susunod na pinuno ay dapat ay isang abogado.
Tanging si Vice President Leni Robredo, na kabilang sa mga punong kritiko ni Duterte at si Jose Montemayor ang mga abogado sa listahan ng mga kandidato sa pagkapangulo.
Gayunpaman, sinabi ng Malacañang na hindi malinaw kung ang pag-endorso ng PDP-Laban ay nangangahulugan din na sinusuportahan ni Duterte si Marcos Jr.
Sa kanyang anunsyo noong nakaraang linggo tungkol sa isyu, sinabi ng Pangulo na mananatili siyang neutral sa eleksyon sa Mayo.