Maaaring makakuha ng mahigit 36 milyong boto ang frontrunner ng survey na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos niyang mapanatili ang kanyang pangunguna sa presidential race, sabi ng Pulse Asia.
Ang survey ng Pulse Asia na inilabas noong Miyerkules ay nagpakita na si Marcos ay nananatili pa rin sa tuktok na may 56 porsyentong voter preference.
Ang pumapangalawa ay si Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo na may 24 porsyento, pumangatlo naman si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na may 8 porsyento.
Si Sen. Emmanuel “Manny” Pacquiao ay nasa ikaapat na may 6 na porsyento, habang ang kapwa senador na si Panfilo “Ping” Lacson ay may 2 porsyento.
Sa isang panayam sa SMNI network, sinabi ni Pulse Asia Research Director Ana Tabunda na kung ang 56 porsiyento ni Marcos ay gagawing boto, ito ay katumbas ng humigit-kumulang 36.5 milyon sa 65 milyong botong populasyon.
Sinabi ni Tabunda na ito ang unang pagkakataon na ang isang kandidato sa pagkapangulo ay patuloy na nagpapanatili ng 50 porsyentong lamang sa mga surveys.
Dagdag pa ni Tabunda, ang 32 porsiyentong lamang ni Marcos kay Robredo ay katumbas ng humigit-kumulang 19.5 milyong boto, na mas mataas kaysa sa 16 milyong boto na nakuha ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 presidential election.
Ang pagbaba ng 4 na porsyento ni Marcos sa pinakahuling survey ay halos hindi naman daw nakapinsala sa kanyang popularidad.
Samantala, ang tagapagsalita ni Marcos na si Victor Rodriguez ay nagsabing hindi dapat makampante ang mga tagasuporta habang papalapit ang halalan. Kailangan daw diumano na matamo ang 70-percent preference survey polls position, hanggang sa mabilang ang bawat boto at ang mga adhikain ng sambayanang Pilipino ay matupad.
Sa survey na inilabas ng Publicus Asia noong Biyernes ay nanguna pa rin si Marcos at ang kanyang running mate na si Mayor Sara Duterte-Carpio.
Si Marcos, ang standard bearer ng Partido Federal ng Pilipinas, ay nakakuha ng 56 porsyento sa Publicus Asia‘s First Quarter Survey. Samantalang si Robredo ay nakakuha naman ng 23 porsyento, at Domagoso 9 porsyento.
Limang porsyento ng mga botante ang nagsasabing hindi pa rin sila nakakapagdesisyon.