Ibinunyag ng host at komedyanteng si Herlene Budol na kilala rin bilang ‘Hipon Girl’, na gagamitin niya ang wikang Filipino sa darating na Binibining Pilipinas coronation night.
Ginawa niya ang deklarasyon sa kanyang Instagram page noong Lunes, Abril 11, kung saan nag-repost siya ng Facebook post na tila pinagtatawanan na hindi siya nakakaintindi ng English. Ibinunyag din ni Herlene na naiyak daw siya sa closed-door briefing ng Bb. Pilipinas noong Abril 8.
Ayon sa kanya, “Nabasa ko lang po eto sa isang pageant group. Opo, indi ko po eto ikahihiya naiyak ako dahil sa english. but it doesnt mean hanggang dyan nalang si Hipon girl nyo. Hindi ko pipilitin ang mag-Ingles. Wikang Filipino po ang gagamitin ko.”
“This will inspire me to pursue my dreams. Hanggat may buhay may pag-asa! magkalat man ako o indi may Hipon mag tatak sa entablado!”
Sinabi rin ng viral comedienne na buo ang kanyang puso sa suporta na nakukuha niya mula sa kanyang mga fans.
“Sobra akong na touch sa mga magagandang comment nyo sa akin. Ngayon palang gusto ko mag pasalamat sa buong Hiponatics, KaBudol, KaSquammy, KaFreshness, Kainutz sa supporta nyo sa akin.”
“Taas noo ko isisigaw Herlene Nicole Budol, 22, from Angono Rizal, Felepens!!”

Bago isumite ang kanyang aplikasyon ay maraming paghahanda ang ginawa ni Herlene para sa pageant, tulad ng pagsailalim sa makeup trial para sa kanyang shoot, pagsubok ng mga swimsuit, at pagdaan sa pagsasanay kasama ang Kagandahang Flores.
Una niyang ibinunyag ang kanyang planong pagsali sa Bb. Pilipinas sa isang panayam kay Karen Davila na noong Abril 2. Sinabi din niya na ang kanyang manager na si Wilbert Tolentino, ang nag-udyok sa kanya na sumali sa prestihiyosong patimpalak ng kagandahan.