Jason Hernandez, nagsalita na tungkol sa tsismis ng breakup nila ni Moira Dela Torre

Binasag na ni Jason Marvin Hernandez ang kanyang pananahimik kaugnay ng kumakalat na tsismis sa social media na hiwalay na sila ng kanyang asawang si Moira Dela Torre.

Noong nakaraang Sabado, Abril 16, ay nag-tweet si Jason at nilinaw na mag-asawa pa rin sila ni Moira. Inilista din niya ang lahat ng punto para mapabulaanan ang kumakalat na malisyong balita.

Bukod dito ay nilinaw niya na hindi nagtaksil si Moira sa kanilang relasyon at wala diumanong pagnanakaw ng pera nanangyari habang sila ay nagsasama.

Ibinunyag din ng singer at songwriter na pareho nilang sinusuportahan ni Moira si presidential candidate Vice President Leni Robredo, kasunod ito ng mga tsismis na kaya sila naghiwalay ay dahil sa magkasalungat ang pananaw nila sa pulitika.

Ayon sa kanyang post: “1. We’re still married 2. Hindi nangaliwa si Moira 3. We both support Ms. Leni 4. Walang nag nakawan ng pera 5. God is good.”

Nagsimula ang mga espekulasyon tungkol sa paghihiwalay nina Jason at Moira noong nakaraang linggo nang mapansin ng mga netizens na tinanggal ng huli ang mga post nito kasama si Jason sa kanyang Instagram at TikTok accounts.

Inalis din diumano ni Moira ang apelyido ng kanyang asawa mula sa pangalan na naka-display sa kanyang opisyal na Facebook account.

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pa ring reaksyon si Moira tungkol sa isyung ito.

Share this article
Erie Swan