Hipon Girl pinag-iisipang gawin ang “Tempura Walk”

Inihayag ng Binibining Pilipinas Charities Inc. ang kanilang Top 40 candidates para sa Binibining Pilipinas 2022 noong Abril 22 at kabilang sa napili ay ang komedyanteng si Herlene Nicole Budol.

Bilang co-host sa “Wowowin”, siya ay nakilala ng mga tagapanood bilang si “Hipon Girl”.

Si Herlene ay isa sa mga huling tinawag na kandidata pagkatapos ng final screening sa New Frontier Theater. Kita naman sa mga nag viral na video sa social media na wala siyang mapagsidlan ng kanyang kasiyahan matapos mabunyag na pasok siya sa Top 40.

Credit: Herlene Budol/Facebook

Tiniyak naman ng komedyante na ang pagpasok niya bilang Nicole Budol ay hindi nangangahulugang katapusan na ng kanyang imahe bilang si “Hipon Girl”.

Ayon sa kanya, “Mas ano lang… makikita ninyo naman si Nicole. Ang tawag kasi sa akin dati sa school Budol, tapos sa amin ang palayaw ko ay Herlene, sa TV naman ay Hipon. So si Nicole naman dito sa Binibining Pilipinas.”

Ibinahagi ni Herlene na nagkakapag adjust na siya bilang si Nicole dahil alam naman niya sa kaibuturan ng kanyang puso kung sino talaga siya.

Nauna nang sinabi ni Herlene na plano niyang magsalita sa Filipino sa Q & A portion ng patimpalak.

Sinabi din ng aktres na ang kanyang pagtutuunan ng pansin sa kanyang paghahanda para sa Binibining Pilipinas 2022 ay ang kanyang pagbigkas at paglalakad. Importante din daw na handa ang kanyang utak pagdating ng kompetisyon.

Sa tanong na kung magkakaroon ba siya ng signature walk ay sinabi ni Herlene na seryoso niyang pinag-iisipan ang mungkahi ng kanyang mga tagahanga na “Hipon Walk” o “Tempura Walk”.

Sinabi ni Herlene na ang inaasam asam niyang korona ay ang Miss Grand International. Ito ay matapos makita ang mga komento ng kanyang mga tagasuporta na bagay siya sa titulo, bagay na isinasapuso din niya sa kanyang paghahanda.

Ang iba pang mga korona na pag-aagawan ng mga kandidata ay ang Binibining Pilipinas InterContinental, Binibining Pilipinas Globe at Binibining Pilipinas International.

Share this article
Erie Swan