Vice Ganda inihayag na ang suporta kay Leni Robredo

Sinopresa ng Unkabogable superstar na si Vice Ganda ang isang pink campaign rally para i-endorso ang kandidatura sa pagkapangulo ng lider ng oposisyon na si Vice President Leni Robredo sa Pasay City noong Sabado ng gabi.

Nag perform si Vice sa harap ng mga supporters sa buong Macapagal Avenue. Sa kanyang talumpati pagkatapos ng kanyang performance ay sinabi ng “It’s Showtime” host na ang kanyang pagkanta ay ang kanyang regalo kay Robredo, na nagdiwang ng kanyang ika-57 taong kaarawan noong Sabado.

“Yun pong ginawa kong number na ‘yun ay regalo ko para sa ating pinakamamahal na VP Leni Robredo.”

Pagkatapos ay itinaas ni Vice ang kamay ni Robredo at sinabing ang boto niya sa bise presidente ay ang kanyang regalo para sa bansa.

“Pero ang regalo ko sa sambayang Pilipino ay ang boto ko kay Leni Robredo. Madlang pipol, sa gabing ito, opisyal kong ineendorso ang susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas, Leni Robredo!” Sabi ni Vice habang naghihiyawan ang mga tao.

Dagdag pa niya, “Pag si Leni Robredo ang ating ibinoto, tayong mga Pilipino ang mananalo. Tayo dapat ang manalo. Mga bata pa lamang tayo, pag naglalaro tayo, gusto natin kahit sa laro, tayo ang manalo, ‘di ba? ‘Pag sumasali tayo sa mga patimpalak, noong nag-aaral pa lang tayo, gusto natin tayo ang nananalo.”

“Pag sumasagot tayo sa mga pagsusulit sa eskwelahan, gusto natin tama ang sagot natin. Kay Leni Robredo, tayo ang panalo. Kay Leni Robredo, tama tayo. So bakit hindi natin kukunin ang pagkakataon na ‘to para gumanda at para gumawa ng desisyon na tama ? Tayo naman ang manalo. Si Leni Robredo ang magpapanalo sa atin.”

Gayunpaman, hindi itinaas ni Vice ang kamay ng running-mate ni Robredo na si Senador Francis “Kiko” Pangilinan.

Bago ang kanyang surprise appearance sa grand rally stage ay hindi nagbigay ng pahiwatig si Vice tungkol sa kanyang susuportahang kandidato sa kanyang mga social media account na may milyun-milyong followers.

Present din sa rally ng Leni-Kiko tandem ang ilan sa mga pinakamalaking bituin sa bansa kabilang sina Angel Locsin, Diamond Star Maricel Soriano, Asia’s Songbird Regine Velasquez at Mr. Pure Energy Gary Valenciano.

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.