Si Herlene Budol na kilala rin bilang “Hipon Girl,” ay nagpahayag ng kanyang pasasalamat matapos siyang bigyan ng batikang brodkaster na si Karen Davila ng P100,000 na kinita mula sa kanilang collaboration sa YouTube.
Ipinakita ni Herlene ang tila deposit slip kasama ang mga larawan nila ni Karen, sa pamamagitan ng kanyang social media page noong Abril 25. Nauna nang sinabi ni Karen na ibabahagi niya kay Herlene ang kanyang kinita sa vlog dahil naantig ang kanyang puso sa kabaitan ng komedyante.
Ayon pa kay Herlene, “Isang malaking karangalan po uli yung nag Congratulate si Mam Karen Davila sa pag pasok ko sa Binibining Pilipinas 2022 at eto pa ang surpresa nya sa akin mga KaHipon at hanggang ngayon walang tigil iyak ko. ibinigay po nya sa akin yung earnings sa Youtube nya nung ininterview nya sa akin nakaraan April 2 sa halagang 100,000 pesos po bago ako nag register ng Binibining Pilipinas na umabot ng 2.2M views.”
Aminado ang komedyante at dating “Wowowin” host na malaking tulong ang pera para sa kanya at sa kanyang pamilya, lalo na ngayong hindi pa siya pwedeng tumanggap ng mga endorsement dahil sa pagkakasali niya sa Binibining Pilipinas.
“Mam Karen, God bless you more po at malaking tulong po eto para sa aking pamilya at ibibigay ko po eto kay Nanay Bireng at Tatay Oreng ko.”
“Salamat ng marami dahil 3 months ako bawal mag tanggap ng trabaho at endorsement sa policy ng Binibining Pilipinas. Kaya umaasa nalang din ako ng income sa Youtube Channel ko sa pag pa vlog!”
Si Herlene ay kabilang sa 40 kandidato na pumasok sa opisyal na listahan ng Binibining Pilipinas 2022. Una na niyang sinabi na isusulong niya ang autism awareness at detection bilang kanyang adbokasiya.