Si Celeste Cortesi ng Pasay ang kinoronahang Miss Universe Philippines 2022 sa ginanap na live coronation night sa Mall of Asia Arena noong Sabado, Abril 30. Si Celeste ang humalili kay Beatrice Luigi Gomez ng Cebu City.
Kinoronahan ni Beatrice si Celeste, na tinalo ang halos 50 kandidata sa kabuuan ng kumpetisyon.
Nanalo din si Celeste ng ilang special award kagaya ng Best in Swimsuit, Miss Photogenic, Miss Avana at Miss Aqua Boracay.
Hindi na bago si Celeste sa mga pageant dahil kinoronahan din siyang Miss Philippines Earth noong 2018. Nagtapos siya sa Top 8 ng Miss Earth sa taon ding iyon.

Apat pang babae ang kinoronahan kasama ni Celeste. Ang mga nagwagi sa iba pang mga titulo ay sina: Michelle Marquez Dee ng Makati (Miss Universe Philippines Tourism), Pauline Cucharo Amelinckx ng Bohol (Miss Universe Philippines Charity), Annabelle McDonnell ng Misamis Oriental (Miss Universe Philippines 1st runner-up) at Ma. Katrina Llegado ng Taguig (Miss Universe Philippines 2nd runner-up).

Nagsimula ang Miss Universe Philippines 2022 sa 50 kandidata, bago sila unti-unting nabawasan sa Top 32 sa pamamagitan ng serye ng mga hamon.
Tanging ang top 32 candidates lamang ang napiling lumaban sa live coronation night.
Samantala, hindi naman nakapagtanghal sa entablado si Shawntel Cruz ng Benguet dahil nagkasakit daw diumano ito.
Nagsilbing mga host ng gabi sina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, Miss Universe 2016 Iris Mittenaere, at Miss Universe 2017 Demi-Leigh Tebow. Si Miss Universe 2021 Harnaaz Sandhu naman ay isa sa naging hurado at si Miss Universe 2018 Catriona Gray ay nagsilbing special guest.