Nitong April 25 ay nanganak na ang Kapuso actress at singer na si Jennylyn Mercado sa kanyang unang anak sa asawang si Dennis Trillo.
Ang balita ay ibinahagi mismo ng mag-asawa sa pamamagitan ng kanilang pinakabagong vlog.
Ang panibagong vlog ni Jennylyn ay dapat para sana sa virtual room tour ng kanyang Baby D, ngunit sa huling bahagi ng kanyang vlog ay ipinakita na nasa ospital na sina Dennis at Jennylyn.
Kuwento ng mag-asawa, pumunta sila ng ospital para lamang magpa check up ngunit nagulat sila nang kinailangan na nilang manatili doon dahil manganganak na si Jennylyn.
“Check up lang dapat kami ngayon e bigla na lang kaming (manganganak na)… hindi kami ready.” Ayon pa kay Jennylyn.
Inamin naman ni Dennis kung gaano siya kinakabahan sa sumunod na clip.

Nagtapos ang vlog sa larawan ng mag-asawa sa loob ng operating room.

Noong nakaraang taon ay ibinahagi ng mag-asawa na sinubukan nila ang surrogacy. Ngunit kalaunan ay nalaman nilang pwede palang natural na magbuntis si Jennylyn kaya hindi na nila ito itinuloy.
Hindi pa naman nagbahagi ng mga larawan ni Baby D, ang kanilang baby girl, sina Dennis at Jennylyn.
Ang celebrity couple ay may mga anak na lalaki mula sa kani-kanilang mga nakaraang relasyon. Si Dennis ay may anak sa dating beauty queen na si Carlene Aguilar at si Jennylyn naman ay may anak din sa dating nobyo na si Patrick Garcia.