Baron Geisler, muling bumalik sa pagkalulong sa alak dahil sa asawa

Sa isang eksklusibong panayam ng mag-asawang broadcasters na sina Julius Babao at Christine Bersola-Babao, sa YouTube channel ng One PH noong May 2, ay ibinunyag ng aktor na si Baron Geisler na bumalik siya sa pag-inum ng alak matapos silang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ng kanyang asawang si Jamie Evangelista.

“Lahat po ng pamilya ay may problema. May kanya kanyang issues. Siguro sa pagiging busy ko sa pga-aaral, sa career, taking care of our children, may mga pagkakataon na hindi na kami nakakapag-discuss sa mga intimate problems po namin na nangyayari. So we just let it slide hangga’t sa tumataas ‘yung resentment namin sa isa’t isa. And then biglang pumutok nalang.”

Dagdag pa niya, “Nag-relapse po ako nung December and then naging continuous siya up until last month, but now I’m back sa programa ko, yung 12-step program na nakakatulong po sa akin.”

Inilarawan ni Baron na ang kanyang pagkalulong sa alak ay katulad ng isang sakit na walang lunas, at wala itong pinagkaiba sa sakit na cancer o diabetes.

Ibinunyag din niya na 12 years old pa lamang siya nang magsimulang makatikim ng alak.

“It is making me understand that I really am an alcoholic. It is a disease. It is no different from cancer or diabetes. There’s no cure for it. You have to keep coming back to the program and work on your program daily.” Saad pa ni Baron.

Binanggit ni Baron na ang hindi pagkakaunawaan kay Jamie ang nag-trigger sa kanyang pag-inum muli. Ayon sa aktor, madali siyang naaapektuhan sa tuwing may pagtatalo sila at ginawa niyang dahilan ang pag-inom para makaganti sa asawa.

Samantala, pinasinungalingan naman ni Baron ang mga haka-haka na naghiwalay sila ni Jamie. Nilinaw niya na binibigyan lamang nila ng espasyo ang isa’t isa para makapagtrabaho sa kani-kanilang “12-step program”.

“Hindi kami naghiwalay. We’re working things out but of course, we’re giving each other space to work on our own program. She also has her 12-step program, I have mine. After that we’ll seek counseling and eventually, we’ll patch things up.”

Matatandaang naging laman ng mga headline ang mag-asawa matapos lumabas sa social media ang isang video ng kanilang paghaharap. Nang maglaon ay nagpa-interview si Jamie sa talent manager na si Ogie Diaz at ibinunyag na muling bumalik si Baron sa pagkalulong sa alak.

Sinabi din ni Baron na kapag natapos siya sa kanyang 12-step program ay nais din niyang magbigay ng tulong sa iba na dumaranas ng parehong problema.

Kamakailan ay nakapagtapos si Baron ng Bachelor of Science in Theology sa All Nations College sa Antipolo, Rizal.

Share this article
Erie Swan