Willie Revillame sinuportahan ang BBM-Sara tandem

Sa huling araw ng pangangampanya ay nakuha ng UniTeam nina Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio ang suporta ng TV host na si Willie Revillame.

Sinorpresa ni Willie ang karamihan sa taga-suporta ng Marcos-Duterte tandem sa miting de avance sa Parañaque noong Sabado, May 7.

Matapos ang espesyal na pagtatanghal ay ibinunyag ng TV host na matagal siyang nagdesisyon kung dadalo ba siya sa isang campaign rally. Sinabi din niya na gusto sana niyang lumayo sa pulitika sa kabila ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo siya bilang senador.

Humanga din si Willie sa pagpapakumbaba nina Marcos at Duterte dahil kahit anong pambabato sa kanila ay ni minsan ay hindi daw diumano sila gumanti sa kalaban.

Ayon kay Willie, “Alam niyo kaya ako nandito… ang UniTeam ay pagkakaisa. Kahit anong binabato, kahit anong sinasabi, nakayuko lang sila.”

Bago bumaba sa entablado ay nag-alay pa muli si Willie ng kanyang ginawang kanta para sa kandidato sa pagka-Bise Presidente na si Duterte-Carpio. Pinamagatan niya itong “Sara, Ikaw Na Nga.”

Nag-perform din ang host na si Toni Gonzaga. Kinanta niya ang “Umagang Kay Ganda” bago ipinakilala si Marcos sa mga naghihiyawang tagasuporta sa open ground sa harap ng Solaire Hotel sa Parañaque City.

Bukod kina Willie at Toni ay naroon din ang rapper na si Andrew E. kasama ang mga host ng event na sina AiAi delas Alas at Bayani Agbayani.

Umakyat din sa entablado si DJ Loonyo sa unang bahagi ng programa kung saan nag-perform siya sa kanta ng K-pop group na BTS na “Dynamite.” Sina Bugoy Drilon, Michael Pangilinan, at Daryl Ong naman ay kumanta ng Boyz II Men medley.

Dumalo rin sa miting de avance ang mga mang-aawit na sina Katrina Velarde, Pops Fernandez, Geneva Cruz at Kris Lawrence.

Ayon sa bilang ng mga UniTeam organizer ng miting de avance, lumampas sa 1 million-mark noong 10 pm ang mga taong dumalo sa huling rally ng BBM-Sara tandem.

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.