Robin Padilla, hindi makapaniwala na nangunguna siya sa pagka-senador

Inamin ng senatorial candidate na si Robin Padilla na maging siya mismo ay nagulat na siya ang nangunguna sa partial at unofficial vote tally para sa laban sa pagka-senador.

Naging mainit na usap-usapan sa social media si Robin noong Lunes ng gabi nang manguna siya sa senatorial race sa bansa, na kinuha mula sa transparency server ng Commission on Election (COMELEC).

Sa isang panayam sa Teleradyo ng DZMM ay ibinunyag ng action star kung bakit hindi niya inaasahan na mangunguna siya sa botohan sa senado.

Sagot ni Robin, “Naku hindi po. Kahit po sa magandang panaginip, hindi ko po naramdaman o naisip na ako ay mangunguna na karera na ito, patungkol po sa pagiging senador. Dahil unang una, wala naman po akong makinarya, wala naman po akong pera, wala po ako lahat.”

“Ang akin lamang po ay paninindigan at mga tulong ng mga kaibigan ko, asawa ko, si Pangulong Duterte, si Senator Bong Go. Maliban po ‘dun, wala po ako eh. Kaya kabigla-bigla din po ito pero hindi ko naman po iniisip na ako po ang ibinoto ng tao dito.”

Naniniwala si Robin na hindi ang kanyang kasikatan bilang aktor ang nagbigay sa kanya ng pangunahing puwesto sa senatorial race.

“Alam ko po, nararamdaman ko po na ang ibinoto po ng tao dito ay yung akin pong plataporma na charter change po talaga.”

Nangako rin si Robin, na matagal nang nagpahayag ng kanyang suporta sa federalism, na aaksyon at isusulong ang paglipat sa federal government simula sa unang araw pa lamang ng kanyang pag-upo bilang senador.

Paliwanag pa ng action star, “Palitan po natin ang saligang batas. Isulong po natin ang pagbibigay ng kapangyarihan sa mga lalawigan at ‘yun po ang pederalismo. Yan po ang asahan ninyo mga mahal kong kababayan.”

“Hindi po tayo diyan magiging bingi. Hindi po ako diyan magiging pipi. Kung gaano po ako kaingay noong ako’y artista lang, na wala pong nakikinig sa akin, eh ito po lalo na nagkaroon po tayo ng plataporma. Nagkaroon po tayo ng sinasabing pagtitiwala po ninyo at ako’y iniluklok ninyo, eh mas marami po tayo ngayong masasabi.” Dagdag pa niya.

Nauna nang nakuha ni Robin ang endorsement ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Uniteam tandem nina Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Mayor Sara Duterte.

Samantala, sa isang Instagram post ay nagpasalamat naman ang asawa ni Robin na si Mariel Rodriguez sa lahat ng mga bumoto sa kanyang asawa.

Ayon pa kay Mariel, “My Senator is #1. We are beyond grateful!!! Pilipinas, maraming maraming salamat.”

Credit: Mariel Rodriguez/Instagram

Habang isinusulat ang balitang ito ay nanatili pa rin sa unang puwesto si Robin na nakakuha ng 26,369,294 votes.

Share this article
Erie Swan