Armchair na ginamit ni VP-elect Sara Duterte sa pagboto nakatakdang i-display sa museum

Planong ipreserba at i-display sa Daniel R. Aguinaldo National High School (DRANHS) ang upuan na ginamit ni Davao City Mayor at Vice President-elect Sara Duterte.

Si Mayor Sara ay bumoto sa DRANHS bandang alas 9 ng umaga noong Lunes, Mayo 9.

Pagkaraan ng halos 10 minuto pagkatapos niyang bumoto ay inilabas ang armchair na ginamit niya sa polling room para lagdaan.

Sa pahayag ng Hugpong ng Pagbabago (HNP), sinabi ni Mayor Sara na hiniling ng mga opisyal ng paaralan na lagyan niya ng mensahe ang armchair para mai-display sa museum ng paaralan. Ang pahayag ng HNP ay bilang tugon sa peke at na-edit na mga larawan na kumalat sa social media.

Nang tinanong si Mayor Sara kung ano ang isinulat niya sa armchair ay ito ang kanyang sagot: “Isinulat ko ang ‘Mahalin natin ang Pilipinas’. Tapos pinirmahan ko. Tapos ang petsa.”

Bilang kapalit ay sinabi ng alkalde na magbibigay siya ng limang armchair para sa paaralan.

Naipreserba rin ng pamunuan ng paaralan ang upuang ginamit ni Pangulong Rodrigo Duterte noong May 2016 elections. Ang upuan ay kasalukuyang naka-display sa DRANHS, nakasilid sa salamin, at naka-display sa lobby ng paaralan.

Share this article
Erie Swan