Angel Locsin, nag-ala Darna sa pag-donate ng food packs sa PPCRV

Nagpasalamat ang mga volunteers ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) kay Angel Locsin, matapos silang padalhan ng mga food packs ng aktres sa gitna ng kanilang parallel count noong May 13.

Nagpost ang PPCRV sa kanilang Facebook page ng larawan ng mga volunteer poll watchers habang tinatanggap ang mga pagkain na ipinadala ni Angel. Sabay nito ang caption ng pasasalamat.

“Thank you to our real-life Darna, Ms. Angel Locsin, for the Mang Inasal Philippines food packs para sa ating #PPCRVvolunteers! Nakakabusog hindi lang sa tiyan pati na sa puso! You are a true angel indeed! God bless you po.”

Ang mga volunteers ng PPCRV ay magtatrabaho hanggang Biyernes, May 20, sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion.

Una nang sinabi ng tagapagsalita ng PPCRV na si Vann Dela Cruz na wala silang nakikitang iregularidad mula sa kanilang isinasagawang parallel count, simula noong Miyerkules, May 11.

Samantala, si Angel na masugid na taga-suporta ni presidential candidate Vice President Leni Robredo ay nagpahatid na ng kanyang mensahe ng pagsuporta kina presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos at presumptive Vice President Sara Duterte-Carpio.

Ayon kay Angel, “For our country’s sake, I’m rooting for our presumptive president, vice president, & senators. I’m hoping they’ll do better than our past leaders. I am a Filipino citizen hoping to be proven wrong. Masasabi ko hong ikakasaya ko ho kung mali kami at tama kayo.”

Share this article
Erie Swan