Nagpaliwanag si dating Commission on Elections (COMELEC) Commissioner at incoming P3PWD Partylist Rep. Rowena Guanzon tungkol sa kanyang pakikipagpulong kay incoming Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Dinikdik kasi ng mga tagasuporta ni Vice President Leni Robredo si Guanzon dahil sa pakikipagkamay sa anak ni presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos sa isang pagtitipon ng mga mambabatas.
Sa larawan na ibinahagi ni MJ Mondejar ng SMNI ay makikitang nakipagkamay si Sandro kay Guanzon sa isang lunch meeting ng Party-list Coalition Foundation Inc.
Paliwanag ni Guanzon, “Mga [a]nak, wala tayong mapapasang batas and budget para sa mga PWD kung hindi tayo magtratrabaho with them.”

Sinabi din ni Guanzon na hindi ibig sabihin na susuportahan niya ang papasok na administrasyon ni BBM ay hindi na niya babatikusin ang maling makikita dito.
Dagdag pa niya “Hindi puwedeng kontra lang nang kontra, suportahan natin ang magagandang programa pero hindi magdadalawang isip na batikusin ang mali. Wala akong utang na loob sa kanila. Kayo ang nagluklok sa akin dito.”

May pakiusap naman si Guanzon sa lahat ng mga bumabatikos sa kanyang naging desisyon na makipagtulungan sa bagong administrasyon.
“Ang pakiusap ko lang ay sana mas lawakan pa natin yung pag iisip natin and look to the future. Masyado ng maraming problema ang bansa at marami parin ang naghihirap sa ating mga kababayan, huwag na natin dagdagan at alam ko na yung 384k na bumoto sa atin ay mas gusto na tumulong tayo.”
Nagretiro si Guanzon sa kanyang pwesto sa Comelec noong nakaraang taon. Umingay ang kanyang pangalan sa social media matapos niyang magkaroon ng mga rebelasyon tungkol sa disqualification case ni BBM sa pagkapangulo bago pa ang May 9 election.
Ang 64-anyos na abogado ay aktibo ding nangampanya para kay Robredo at palaging kasama sa kanyang mga rally sa buong bansa. Ginawa pa nga niya ang “ngiwi challenge” bilang pag-atake laban kay BBM kung san naging kaliwa’t kanan ang naging pambabatikos na natanggap niya sa social media.