Nagsalita na si Andrea Brillantes tungkol sa kung paano niya dinededma ang kanyang mga bashers. Ipinaliwanag din ng aktres na pagkatapos ng halos sampung taon niya sa industriya ng showbiz ay sanay na sanay na siya sa mga ito.
Sa video na inupload ng talent manager at komedyanteng si Ogie Diaz sa kanyang Youtube channel kahapon, May 17, ay tinanong ni Ogie si Andrea kung ano ba talaga ang tunay na nararamdaman ng aktres sa tuwing pinupukol siya ng mga bashers.
Ayon pa kay Andrea, “It’s just, hindi lang po ako naaapektuhan sa kanila. Lalo na syempre parang more than 10 years na po ako sa industriya. Kaya sanay na sanay na ho ako. Hindi naman sa manhid. Nasasaktan pa rin naman ako. It’s just, this time hindi talaga po nakakaapekto sa akin.”
Ibinunyag din ni Andrea na binabawasan na niya ang paggamit sa kanyang social media, lalo na ang Twitter, para maiwasan niyang makakita ng mga komentong makakasakit sa kanyang damdamin.
Dagdag pa niya, “Actually hindi sa lahat. Hindi lang ako nag-o-open masyado sa Twitter. Hindi sa naaapektuhan ako whenever I open it, it’s just for the sake of my peace of mind.”
“Kasi every time… kunwari may makikita ako, mapo-frustrate lang ako. Sasabihin ko, ‘Ay ano ba yan?’ Mas masaya lang na wala akong iniisip.” Paliwanag pa ni Andrea.
Binanggit din ng aktres na wala siyang panahon sa mga bashers dahil mas naging concern niya noong mga nakaraang araw ang manalo ang koponan ng nobyo niyang si Ricci Rivero, ang University of the Philippines Fighting Maroons, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
“Andami ko hong prinoblema. Hindi talaga sila. Dyusko, UAAP ang nasa utak ko the whole time. Iniisip ko talaga, gusto ko lang manalo ang UP. ‘Yun talaga yung ini-stress ko ho.”
Mukhang may patama rin aktres para sa kanyang mga masusugid na bashers.
“Bahala kayo! Basta masaya ako!” Natatawang tugon ni Andrea.
Samantala, nagbabala naman Becky Aguila Artist Management sa mga netizens na nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa aktres at sinabi nitong hindi sila magdadalawang-isip na gumawa ng legal na aksyon laban sa mga nagpapakalat ng fake news tungkol kay Andrea.