Isa ang Kapamilya TV host na si Robi Domingo sa nagpahayag ng kanyang damdamin sa resulta ng halalan noong May 9, at idiniin niya na hindi siya nagsisisi na pinanindigan niya ang kanyang pinaniniwalaan.
Nag-post ang “Pinoy Big Brother” host ng kanyang larawan noong rally nina Vice President Leni Robredo at Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Makati at nagkwento sa pamamagitan ng isang tula tungkol sa halalan sa pamamagitan ng kanyang Instagram account noong, May 16.
Pinamagatan niya itong ‘Padayon’ na ang ibig sabihin sa tagalog ay ‘Patuloy.’
“Walang pagsisisi dahil kami’y tumindig / Ipinaglaban ang pinaniniwalaan gamit ang tinig / Salamat sa mga / Tropang nagkapit-bisig / Dahil pinakita niyo sa amin ang pag-asa at pag-ibig.”
Inamin ni Robi na nadismaya siya sa resulta ng halalan at sinusubukan pa rin niyang iproseso at iwasan ang galit dahil dito, ngunit patuloy niyang ipaglalaban ang demokrasya.
“Laman ng puso’y aking pinipilit / Na tanggalin ang panibugho’t galit / Demokrasya ay patuloy na igigiit. / At ako’y ‘di na muling pipikit.”
Idinagdag din ni Robi na iginagalang niya ang naging desisyon ng taumbayan at nagnanais siya na ito na ang panahon na masolusyonan ang mga problema ng mga uupong leader ng Pilipinas.
“Mananaig ang respeto sa naging desisyon / Para sa mga naluklok sa susunod na administrasyon / Ito na sana ang malaking pagkakataon / Na ang mga problema’y mabigyan ng maganda at maayos na solusyon.”
