Handang-handa na ang Kapamilya noontime show na It’s Showtime para salubungin ang pagbabalik ng nag-iisang dyosa na si Anne Curtis, kaya naman may mga bulong-bulungan na kailangan nang umalis ni Kim Chiu.
Matatandaang naging regular host si Kim sa show nang kailangang magpahinga pansamantala ni Anne dahil sa kanyang pagbubuntis. Matapos ang mahigit dalawang taon ay nakatakda ng bumalik si Anne. Naglabas na rin ang ABS-CBN ng teaser na ipinapaalam ang kanyang pagbabalik.
Sa teaser video ay nakasaad ang linyang “ANNEdito na siya! Abangan sa It’s Showtime!”
Ang nasabing teaser ay nai-post ilang linggo matapos makita si Anne kasama ang kanyang kapwa It’s Showtime host na sina Vice Ganda, Vhong Navarro, Karylle, Kim Chiu, Amy Perez, Teddy Corpuz, Jugs Jugueta, at Ryan Bang na nagkaroon ng reunion dinner.
Marami naman sa mga netizens ang nagpahayag ng excitement sa pagbabalik ng actress-host. Gayunpaman, dahil sa pinakahihintay na pagbabalik ni Anne ay lumabas ang mga haka-haka na aalis na si Kim sa noontime show.
Base sa artikulo ng entertainment columnist na si Salve Asis sa Pilipino Star Ngayon, sinabi sa kanila ng isang source na mananatili pa ring bahagi ng noontime show si Kim.
Samantala, nagparamdam din si Anne tungkol sa kanyang nalalapit na concert. Ito ang magiging tanda ng kanyang pagbabalik sa showbiz pagkatapos magpahinga para makapag-concentrate sa kanyang mga tungkulin bilang isang ina. Ang nasabing music event ay magaganap sa June 11.
Ayon pa kay Anne, “Sweet dreams. She’ll see you on June 11.” Nilagyan din niya ito ng mga hashtag na #LuvANNE at #LuvANNEthecomeback.