Nag-“habilin” na ang aktres at TV host na si Kris Aquino tungkol sa kanyang mga anak na sina Joshua at Bimby. Ito ang ibinunyag ng beteranong showbiz reporter na si Cristy Fermin.
Kamakailan lamang ay muling nagbigay ng update si Kris tungkol sa kanyang “life threatening” na karamdaman. Sinabi niya na may natagpuang pangatlong autoimmune disease ang kanyang mga doktor, ito ay ang Churg Strauss Syndrome o EGPA na isang pamamaga ng daluyan ng dugo na pwedeng permanenteng makapinsala sa kaniya.
Ang kundisyong ito ay lubhang delikado kaya kailangan niyang pumunta ng Amerika para sa kanyang pagpapagamot. Kasabay ng kanyang health update ay hiniling din ni Kris sa publiko na iwasan na ang pag-bash sa kanyang mga anak.
Sa kabilang banda ay binatikos ni Kris ang kanyang mga bashers na nagkakalat ng tsismis na siya ay pumanaw na. Itinanggi din niya na siya ay naka-confine sa ICU ng isang ospital at nag-aagaw buhay.
Sa latest episode ng Showbiz Now Na sa Youtube ni Cristy kasama sina Romel Chika at Morly Alinio ay nabanggit nito na “inihabilin” na ng Queen of All Media sina Bimby at Josh sa kanyang mga kapatid.
Ayon kay Cristy, “Ito po ‘yung nakakalungkot. Kuwento rin po ito mula dun sa kanilang pamilya, na si Kris daw, ipinagbibilin na si Josh at si Bimby sa kanyang mga kapatid. Nagsisiguro kasi siya eh. Kung ano man ang mangyari sa kanya, alam ng kanyang mga kapatid kung ano ang gagawin.
Dagdag pa ng beteranong showbiz reporter, naaawa siya sa sitwasyon nina Josh at Bimby kung dahil ang babata pa nila para mawalan ng ina.
“Ako’y naaawa kay Josh at Bimby kasi napakabata pa nila para mawalan ng ina kung talagang ito ay wala ng kalunasan. Lalo si Josh, may mga special needs po si Josh.”
Nakiusap naman ni Cristy sa mga bashers na sana ay isantabi na nila ang kanilang galit kay Kris at ipanalangin na lamang nila ang madaliang paggaling nito.