May ibinunyag ang komedyante at talent manager na si Ogie Diaz tungkol sa kontrata ng Unkabogable Star at It’s Showtime host na si Vice Ganda. Nagkuwento din siya tungkol sa pakikipagkita ni Vice kay Direk Bobot Mortiz na nasa GMA-7 na ngayon.
Sa May 23 Youtube vlog ni Ogie ay isa sa mga pinag-usapan nila ni Mama Loi ay ang pakikipagkita ni Vice kay Direk Bobot. Lumikha ito ng mga haka-haka na lilipat na ang Kapamilya talent sa Kapuso network.
Ibinunyag ni Ogie na nangyari ang nasabing pagkikita dahil gustong makilala ng isang producer ng Dubai show si Vice. Ang pagtatagpo ang tungkol sa gagawing show ni Vice sa Dubai ngunit sa kasamaang palad ito ay ipinagpaliban dahil namatay ang United Arab Emirates President na si Sheikh Khalifa Bin Zayed Al Nahyan at hindi pinapayagan ang mga palabas sa susunod na 40 araw.
Tinanong naman si Ogie kung ano na ba ang status ngayon ng kontrata ni Vice sa ABS-CBN.
Sinabi niya na natapos na ang kontrata ni Vice Ganda sa Kapamilya apat na taon na ang nakakalipas at mismong ang komedyante na mismo ang ayaw ng muna kontrata dahil mayroon pa naman daw siyang It’s Showtime.
Ayon kay Ogie, “Ayaw na rin daw niya ng kontrata dahil ok naman daw siya na may Showtime siya. Eh di pag may panibagong show, eh di dun na lang mag-alok ulit ng panibagong contract for that show.”
Malapit sina Vice at Ogie sa isa’t isa. Sa katunayan ay naging manager pa ni Vice si Ogie noon. Sa paglipas ng mga taon ay mas tumibay ang kanilang samahan at hanggang ngayon ay pinahahalagahan pa rin nila ang isa’t isa bilang matalik na magkaibigan.