Ibinunyag ng talent manager na si Ogie Diaz na si James Reid na ang bagong manager ng kanyang matagal nang alaga na si Liza Soberano.
Sa kanyang video na inupload sa Youtube ay sinabi ni Ogie na ipinaalam sa kanya ni Liza ang pinakabagong desisyon nito sa kanyang karera bilang aktres.
Ayon pa kay Ogie, “Nag-decide si Liza na hindi na mag-renew through a long viber message. Magalang naman ‘yung bata, in fairness, at saka kilala mo naman ako Loi, ‘pag happiness na nung tao yung concern, binibigay ko ‘yan. Kahit sa pga-aalaga ng mga talents, ‘oag may nagpapaalam sa akin na aalis na… go. Ang sini-save ko kasi ay ‘yung friendship… kasi ang haba ng panahon na pinagsamahan ninyo eh. Hindi mo dapat sayangin ‘yun kasi wala ka nang kinikita sa bata.”
“At ‘yun nga kasama roon sa mensahe niya sa akin na gusto niyang mag-try sa Hollywood. At siyempre hindi naman ako ‘yung tipong alam ko rin hanggang Hollywood. Kumbaga hanggang dito lang yung kaalaman ko bilang manager,” dagdag pa niya.
Idinagdag pa ni Ogie na pahahalagahan niya ang naging relasyon nila ni Liza na naging talent niya sa loob ng 11 taon. Binanggit din nito ang mga tulong pinansyal ng aktres para sa anak na si Miracle.
“Hindi na po masama ang 11 years na pagsasama, nabuo na ang relasyon namin ng bata na ako ‘yung pangalawang ama niya. Lagi kong sinasabi ‘yung utang na loob ko sa batang ‘yan ay napakalaki. Dahil ‘yung mga kinita ko sa kanya dun din ako humugot para mabuhay ang anak ko na si Miracle,” sabi pa ni Ogie.
Sa kabila ng lahat ay wala naman daw diumanong sama ng loob si Ogie kay Liza. Bagkus ay nagpapasalamat pa siya sa pagdating ni Liza sa kanyang buhay.
“’Yun man lang maisip ko para wala kang itatanim na sama ng loob sa bata. Wala kang bitbit… wala kang karga sa loob mo kasi doon man lang, timing na ang pagdating ni Liza sa buhay ko. In fairness sa bata, very grateful din siya, very thankful din siya sa akin dahil syempre kumbaga eh magkatuwang naming binuo ang kanyang pangalan. Happy na ako,” dagdag niya.
Binunyag din ni Ogie na si James na ang hahawak sa karera ni Liza kung kaya’t silang dalawa ay nasa Amerika.
“Ipinakilala na niya sa amin ang bagong team na hahawak ng kanyang career. May bago na siyang management. Pero ako naman kumbaga ‘yung transition ay unti-unti ipinapasa namin si Liza sa kanya at ‘yun ay walang iba kung hindi ang team ni James Reid,” pagbubunyag pa niya.
“Yes, as a manager si James Reid. Kaya pansinin mo magkasama sila sa gala. Hindi lang si James ang kasama ni Liza kung hindi ‘yung mga ka-partners nila. Kasi mayroon silang business group at kasama si Liza. Tapos at the same time, ‘yun na rin ang magha-handle ng kanyang career sa US at sa Pilipinas.”
Samantala, habang isinusulat namin ang balitang ito ay wala pa namang official statement ang kampo ni James tungkol dito.