Kung si Sen. Imee Marcos ang tatanungin ay walang imposible sa ideya na pupwedeng maging magka-alyado sina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos at outgoing Vice President Leni Robredo sa hinaharap.
Sa isang panayam sa ANC ay binanggit ni Sen. Imee ang ideya na magtrabaho si Robredo sa ilalim ng administrasyon ng kanyang kapatid. Aniya, maaaring hindi masyadong kapani-paniwala gaya ng iniisip ng ilan ngunit posibleng mangyari.
Ayon kay Sen. Imee, “Everything is possible… yun ang sinasabi ng nanay ko. Walang masamang tinapay, baka maging kaalyado mo pa. I think this is what we need to do.”
Nauna rito ay iminungkahi ng nakatatandang kapatid na Marcos na bumuo ng “team of rivals” para sa papasok na gabinete ng administrasyon ng kanyang kapatid.
Ayon kay Sen. Imee, “In the beginning, we discussed that it should be ‘Uniteam’ and I coined that Uniteam moniker for the campaign, but it’s not a mere slogan, it’s a real platform of government.”
“So it’s important that we carry through with the team of rivals in the classic and revered manner of the late great president Abraham Lincoln—inviting all his rivals to the Cabinet,” dagdag pa niya.
Ginawang halimbawa ni Sen. Imee si dating American President Barrack Obama nang isinama nito sa kanyang gabinete ang kanyang matinding karibal na si Hillary Clinton at ginawang Secretary of State.
Sina Robredo at Marcos ay mahigpit na magkaribal noong 2016 vice presidential race, at nitong May 2022 presidential race. Natalo si Marcos kay Robredo noong 2016, ngunit bumawi at nanalo sa botohan ngayong 2022.