Sinimulan na ng beteranong TV host na si Willie Revillame at dating senador na si Manny Villar ang kanilang pagpaplano para sa paglulunsad ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS).
Sa unang bahagi ng taong ito ay naiulat na nakuha na ni Villar ang mga frequency na dating inookupahan ng ABS-CBN. Kasunod nito ay ibinunyag ni Willie ang desisyon niyang huwag nang mag-renew ng kontrata sa GMA-7 dahil sa tapos na siyang makikipag-negosasyon kay Villar.
Usap-usapan na ang beteranong TV host ay magkakaroon ng executive position sa TV network ng bilyonaryong negosyante. Kamakailan lang, base sa artikulo ng PEP ay nag-meeting na ang dalawa.
Sumama rin daw sa pagpupulong sina Las Piñas House Representative Camille Villar at AMBS President Beth Tolentino. Sinasabing tiyak na mailulunsad ang AMBS bago matapos ang taong ito.
Gayunpaman, may posibilidad na ang pangalang AMBS ay mapalitan pa ng ABS o All Broadcasting System. Malaki ang magiging partisipasyon ni Willie sa pamamahala ng network. Ipinagkatiwala ni Villar ang kapangyarihan sa kanya pagdating sa pag-konsepto ng programa at pagkuha ng mga talents.
May haka-haka rin na baka magkaroon muli ng noontime show si Willie. Maaalala na noong nasa ABS-CBN siya ay mayroon siyang noontime show na Wowowee. Noong lumipat naman siya sa TV5 at kalaunan ay sa GMA ay nagkaroon din siya ng sariling show.
Ayon pa sa ulat ay inihayag ni Villar na nabili na niya ang mga transmitters ng ABS-CBN sa Luzon. Kasalukuyang nakikipagnegosasyon rin siya para bilhin pa ang mga transmitters sa Visayas at Mindanao regions ng Kapamilya network.