BBM pinili ang National Museum para sa kanyang inagurasyon

Pinili ng kampo ni president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang National Museum of the Philippines sa Maynila bilang venue para sa kanyang inagurasyon bilang ika-17 chief executive ng bansa ngayong June 30.

Ang National Museum ay nakita ng inaugural committee na siyang angkop na lugar para sa panunumpa ni BBM, ayon kay Presidential Management Staff (PMS) secretary-designate Zenaida “Naida” Angping.

Sinabi ni Angping na ang mga paghahanda ay isinasagawa na upang matiyak ang maayos na inagurasyon ni BBM.

Ayon kay Amping, “The National Museum of the Philippines building and its surrounding areas match our requirements for President-elect Marcos’ inauguration. Preparations are already in full swing to ensure that it will be ready by then.”

Ang National Museum, na dating kilala bilang Old Legislative Building, ay nagsilbing venue para sa inagurasyon ng mga dating pangulong Manuel L. Quezon noong 1935, Jose P. Laurel noong 1943, at Manuel Roxas noong 1946.

Credit: National Museum website

Isa ito sa tatlong makasaysayang lugar na naunang pinagpilian ng kampo ni BBM bilang posibleng mga lugar ng pagdadausan ng inaugurasyon.

Ang dalawa pa ay ang Fort Santiago at Quirino Grand Stand.

Sa Quirino Grandstand naman idinaos ni yumaong pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang kanyang inagurasyon bilang ika-10 pangulo ng bansa noong 1965.

Sinabi ni Angping na hindi napili ang Quirino Grandstand bilang venue para sa inagurasyon ni BBM dahil napansin ng ocular inspection team na napapaligiran ito ng ilang ospital na mayroong mga pasyente ng Covid-19.

Noong May 25 ay iprinoklama ng Kongreso si BBM bilang bagong pangulo ng bansa matapos manalo sa May 9 national elections sa pamamagitan ng landslide victory. Nakakuha siya ng 31,629,783 boto, o higit sa 16 milyong botong lamang mula sa kanyang pinakamahigpit na kalaban, si outgoing Vice President Leni Robredo.

Share this article
Erie Swan