Kris Aquino, nagpaalam na sa mga fans, na-diagnose na may ‘rare disease EGPA’

Nagbigay ng update si Kris Aquino tungkol sa kanyang kalusugan at pansamantalang nagpaalam sa mga tagahanga sa ngayon at hanggang sa susunod na taon bilang inaasahan niyang bubuti na ang kanyang kalagayan sa panahong iyon.

Inihayag ni Kris ang kanyang diagnosis ng eosinophilic granulomatosis with polyangiitis (EGPA), sa pamamagitan ng isang statement mula sa kanyang doktor na ipinost niya sa kanyang Instagram page kahapon, June 3. Ang EGPA ay isang sakit na sanhi ng pamamaga ng ilang uri ng mga selula sa dugo o tissue ng isang tao, ayon sa inilabas ng Cleveland Clinic.

Ayon sa doktor ng Queen of All Media na nakabase sa Houston na si Dr. Niño Gavino, si Kris ay unang nabigyan ng steroid drug challenge para sa kanyang “fast-progressing EGPA” noong May 6, ngunit nagkaroon siya ng matinding adverse reaction na halos hindi na niya kinaya. Hindi maibsan ng mga doktor ang mga sintomas na naranasan ni Kris matapos ang drug challenge dahil sa kanyang allergy sa iba’t ibang gamot.

Dahil dito ay inirekomenda nila na pumunta siya sa Amerika para tumanggap ng ibang gamot na doon lang makukuha. Plano din nilang alisin na ang iba pang pinagbabatayan ng kanyang autoimmune, suriin ang katayuan ng mga panloob na organs ni Kris, at magsagawa ng mga allergy at genetic na pagsusuri, at iba pa.

Ayon pa kay Dr. Gavino, “The subsequent 9 to 12 months will be crucial for us to see if she can achieve remission and continue the regimen further because to survive, Ms. Aquino will have to make whichever combination works, her lifetime maintenance medicine.”.

Ang pag-asang mabuhay ng taong mayroong EGPA na walang interbensyong medikal ay 25%, habang ang 5 year survival rate ay nasa 62%. Isa lamang sa isang milyong tao ang nasusuri na may ganitong uri ng sakit bawat taon.

“As a doctor, we need to treat our patients in a holistic manner. She is very much aware of the tests, treatments and obstacles ahead of her — we didn’t sugarcoat anything because she has always asked for straightforward, honest and direct answers,” dagdag pa ni Dr. Gavino.

Malalaman lamang ni Kris na umepekto ang gamutan na ginawa sa kanya pagkalipas ng 18 hanggang 24 na buwan.

Nagpasalamat si Kris sa mga nagdarasal at nagnanais na gumaling siya at sinabing mami-miss raw niya ang kanyang mga kaibigan at tagahanga sa Pilipinas.

Ayon kay Kris, “Time is now my enemy, naghahabol kami hoping na wala pang permanent damage to the blood vessels leading to my heart. Sa ngayon at sa mga susunod na taon — nakakalungkot, paalam na. Praying na kayanin ng katawan ko itong matinding pagsubok.”

“Kahit 17 hours away na kami nila kuya Josh and Bimb to fly to the Pacific Ocean separates the Philippines from the US, I’d still like to end this with #lovelovelove,” pagtatapos pa ni Kris.

Nakatanggap naman si Kris ng well wishes mula sa mga kapwa celebrities kabilang sina Anne Curtis, Judy Ann Santos, Kim Chiu, Neri Naig, Princess Punzalan, Darren Espanto at iba pa.

Tinuldukan ni Kris ang mga malisyosong tsismis na siya ay nag-aagaw buhay na at nananatili sa intensive care unit, ngunit naging prangka naman siya nang sabihin na ang kanyang sakit ay isang banta sa kanyang buhay. Sa kabila nito ay tiniyak niya na siya ay lalaban upang manatiling buhay para sa kanyang dalawang anak na sina Bimby at Josh.

Share this article
Erie Swan