Kris Aquino, tumulong para maging number 1 senator si Robin Padilla

Nagsulat ng mahabang tula si Senator-elect at aktor Robin Padilla para sa kanyang dating nakarelasyon na si Kris Aquino. Ito ay para ipaalam sa lahat na isa si Kris sa mga dahilan kung bakit siya nanguna sa senatorial race noong nakaraang eleksyon.

Panimula ni Robin, “Friends in Love. Ano nga ba ang ibig sabihin nito, Literal ba ito, In love ka sa Kaibigan mo literally, Baliw ka sa Kaibigan mo, Hinahanap hanap mo siya, Physical Attraction ba, Sexual ba, Ano nga ba, Isa lang ang alam ko, Hindi man kayo nagpapansinan,Pero Pag naramdaman mo na Kailangan ng Kaibigan ng Kaibigan mo, No sorrys, No explanations, No dramas, No flashbacks, Just Love. Love that doesn’t require reciprocity.”

Sandaling nag-date sina Kris at Robin noong dekada ’90. Sa isang interview ay sinabi ni Robin na ang kanyang pagkalulong sa droga ang siyang naging susi sa pagtatapos ng kanilang relasyon.

Sinabi ni Robin na mula nang malaman niya ang tungkol sa sakit ni Kris ay hindi na sila tumigil sa pakikipag-ugnayan ng asawang si Mariel Rodriguez dito. Ipinagluto pa diumano ni Mariel si Kris ng pagkain.

“Nong nalaman namin ni Mariel na may sakit si ms Kris Aquino, Hindi na kami bumitaw sa kanya at ganon din si ms Kris Aquino. Pinagluluto ni Mariel si Kris ng pagkain at kahit hirap si Kris sa intake ng solid na pagkain she makes sure na well appreciated ng buong pamilya niya si Mariel. We became more closer than ever. Tumaas pa ang Antas ng aming mga pinag uusapan at pinagdidiskusyunan. Mas minulat pa namin ang isat isa sa realidad pulitika at buhay.”

Pinasalamatan din ni Robin si Kris sa kanyang suporta, na ayon sa kanya ay nagbigay-daan sa kanya upang manguna sa senatorial slate.

“Maraming nagtatanong at nagtataka kung bakit napakataas ng boto ko at kung paano ako nag number one, Walang nakakaalam na May boto rin ako galing sa kampo ng mga Aquino. Kalagitnaan ng campaign period, Nag aalala si Kris sa survey ko, Kinausap niya ako kung Ano ang campaign strategy ko, sabi ko conventional Lang ako dahil wala naman ako pera. Ang alas ko Lang talaga ay si PRRD, SBG at si Inday Sara Duterte, endorsement Lang ng tatlong ito umiikot ang aking pag asa na Manalo at siempre ang tulong ng taongbayan,” dagdag ni Robin.

“Sabi ni Kris tutulungan niya ko at ginawa niya kahit sinabi ko na baka makadagdag ng stress niya.
Tinawagan niya mga matitinding Governor, LGU officials at mga matataas na Tao na may paggalang at Malalim na sa pasasalamat sa mga Aquino.”

Nagpasalamat din si Robin kay Kris dahil tinulungan pa rin siya nito kahit magkalaban ang kanilang partido.

“Hindi kailanman naging isyu sa kanya na Uniteam ako, nagtataka ang mga nakakausap niya kung bakit ako nilalakad sa kanila pero sinasagot Lang niya ito ng basta pls help robin for me. Ngayon ay malinawan na rin ng mga naninira at inggit, Kung bakit ako nakakuha ng napaka taas na boto. Bukod sa mine vote ni Mariel, Royal lumad/Indigenous vote, muslim vote, marcos loyalist vote, DDS vote, katoliko vote, Kingdom of Jesus Christ vote, El shaddai vote at Iglesia ni Kristo vote, Kris Aquino delivered the Aquino Vote for me.”

“Maraming Maraming salamat ms Kris Aquino. Ang ating pagiging magkaibigan ay hindi naapektuhan ng pulitika bagkus ito pa ang nagbuklod sa atin.”

Nangako siyang bibisitahin nilang dalawa ni Mariel si Kris sa Amerika sa sandaling makakuha siya ng US visa.

“Hinding hindi kami makakalimot. Andito Lang palagi kami ni mariel Para sa iyo at kapag akoy nagkavisa sa US of A dadalawin ka namin at personal na magpasalamat sa iyo.”

Habang isinusulat namin ang balitang ito ay wala pang reaksyon si Kris tungkol dito.

Share this article
Erie Swan