Jane de Leon excited nang makipagbugbugan kay Janella Salvador sa ‘Darna’

Ibinahagi ng Kapamilya actress na si Jane de Leon na excited siyang gumawa ng mga fight scenes kasama ang kanyang co-actress na si Janella Salvador sa seryeng Darna.

Ito na nga ang pinakamalaking break na nangyari sa karera ni Jane. Marami ring pinagdaanan ang aktres bago maibigay sa kanya ang title role ni Darna at sa wakas ay handa nang lumipad ang kanyang karakter para ipagtanggol ang mga sangkatauhan.

Isa sa mga pinakahihintay na bahagi ng serye ay ang pagtatagpo sa pagitan ng bida at kontrabida. Si Janella Salvador ang pinangalanang aktres na gaganap na Valentina, ang pangunahing kaaway ni Darna.

Sa isang panayam sa Abante kamakailan ay ibinahagi ni Jane na hindi pa sila nagsisimulang mag-shoot ng kanilang mga fight scenes ni Janella at excited na siya tungkol dito.

Ayon kay Jane, “Wala pa po kaming fight scenes together but sana this upcoming lock-in namin, sana ngayon magtunggali, magtuos na po kami.”

Ibinahagi din ni Jane na kailangan nilang gawin ang mga stunt na nababagay sa kagustuhan ng kanilang tagapanood sa ngayon. Ang hirap na pinagdadaanan niya habang nagsu-shooting ay balewala kumpara sa bonding na nabuo sa pagitan ng ibang cast members. Idinagdag ng aktres na pamilya na ang trato nila sa isa’t isa.

“Walang toxic or anything. Nakakatuwa lang kasi lahat kami okay and solid kami, family talaga kami. Lahat kami tulungan kami, iba talaga sobra.”

Hanggang sa ngayon ay wala pang anunsyo tungkol sa petsa kung kailan ipapalabas ang Darna. Ipinangako naman ni Jane na siguradong magugustuhan ng mga manonood ang pinaghirapan nilang palabas.

Share this article
Erie Swan