Nagkita sa Amerika ang talent manager-comedian na si Ogie Diaz at ang transgender celebrity na si BB Gandanghari. Doon na rin nila tinapos ang kanilang matagal nang hidwaan.
Matatandaang nagpalitan ng maaanghang na salita sina Ogie at BB laban sa isa’t isa sa pamamagitan ng kanilang mga Youtube vlog. Ang kanilang “parinigan” ay umabot pa sa puntong sinabi ni BB na “zero credibility” si Ogie.
Sa kaka-upload na Showbiz Update vlog ni Ogie ay ibinahagi niya na sa pamamagitan ng common friend ay nakipagkita siya kay BB at halos dalawang oras silang nag-usap. Niyakap daw nila ang isa’t isa nang magkita sila. Ibinahagi rin niya na na-appreciate ni BB ang kanyang effort na makipagkita talaga sa kanya habang nasa Amerika siya.
Ayon kay Ogie, “Nung magkita kami, nagyakapan kami. Wala nang ano. Walang sorry. Walang ano. Yakapan. Sabi ni BB sa akin, ‘Alam mo sobra akong na-touch. Talagang nag-effort ka to see me.”
Sa kabila ng lahat ay wala naman daw hinanakit si Ogie kay BB. Dagdag pa niya, “Sabi ko dun sa vlog ko, ‘Kung ikaw ang may galit sa akin, ikaw ang may galit sa akin. Ako wala akong galit sa ‘yo.”

Nakiusap naman si BB sa kanya na kung pwede silang mag-usap na walang camera at pinagbigyan naman daw ni Ogie ang hiling ng kaibigan. Halos dalawang oras din sila nag-usap tungkol sa maraming bagay.
“Sabi ko, ‘Hoy ha, ako ano mo, tinitira mo ako ha,’ tapos sabi ko sa kanya. ‘Ikaw, ano, ha, di naman kita tinitira.’ ‘Anong hindi, kinokontra mo nga lahat ng sinasabi ko eh.’ Sabi ko, ‘Eh kinokontra kita, pero hindi kita sinisiraan,” natatawang kwento ni Ogie.
Ibinahagi din ni Ogie na binabalak ni BB na bumalik sa Pilipinas dahil miss na miss na niya ang kanyang ina na si Eva Cariño, ngunit gusto niyang masiguro na mayroon siyang trabaho na pagkakaabalahan. Dahil dito ay nagboluntaryo si Ogie na maghanap ng mga proyekto para kay BB.
Sabi niya, “Excited siya na magka-work siya. At syempre, ako magiging ahente niya o agent niya dito, o di ba?”
Wala pa diumano silang pinal na napag-usapan ni BB tungkol sa kontrata. Sinabi rin ng talent manager na sobrang saya ni BB para sa kanyang kapatid na si Senator-elect Robin Padilla. Nagpasalamat din ang Pinay celebrity kay Ogie sa pagtulong sa kandidatura ng kanyang kapatid.