Sharon Cuneta humingi ng tawad kay Helen Gamboa ayon kay Cristy Fermin

Ibinahagi ng beteranang entertainment columnist na si Cristy Fermin na humingi na ng tawad ang Megastar na si Sharon Cuneta sa kanyang tiyahin, ang beteranang aktres na si Helen Gamboa.

Isang sigalot ang nangyari sa pagitan nina Sharon at Helen noong panahon ng halalan. Ang asawa ni Helen na si Senator Tito Sotto ay tumakbong bise presidente. Ilang araw matapos maghain si Tito Sen ng kanyang certificate of candidacy ay naghain din ng kanyang Certificate of Candidacy ang asawa ni Sharon na si Senator Kiko Pangilinan para sa parehong posisyon.

Ang pinsan ni Sharon at anak ni Helen na si Ciara Sotto ang tila mas prangka pagdating sa kanyang opinyon matapos malaman na ang asawa ng kanyang pinsan ay tumatakbo laban sa kanyang ama. Nagpahayag din ang Megastar ng pagkalungkot dahil sa sitwasyong ito.

Gayunpaman, umasa pa rin ang Megastar na magiging maayos ang lahat sa pagitan ng kanilang mga pamilya. Sa katunayan ay nag-umpisa na diumanong makipag-ugnayan si Sharon sa kanyang tiyahin, base sa pahayag kamakailan ni Cristy sa kanyang YouTube talk show na Showbiz Now Na noong Hunyo 9.

Ayon sa mapagkakatiwalaang source ni Cristy ay nagpadala ng mensahe si Sharon kay Helen. Ito ay isang liham ng paghingi ng tawad. Gayunpaman, sinabi ng showbiz reporter na walang direktang “I apologize” na pahayag, sa halip, ang napabalitang tinanong ni Sharon ay, “Can you find it in your heart to forgive me?”

Ayon kay Cristy, “May explanation pero wala yung panghihingi ng tawad talaga na malalim.”

Dadag pa niya, tama lang na kay Sharon magsimula ang reconciliation process dahil sa mas senior si Helen kaysa sa kanya.

Ibinunyag din ni Cristy na hindi sinagot ni Helen ang mensahe ni Sharon. Idiniin din daw ni Helen sa burol ng yumaong Susan Roces na hindi siya magsasalita tungkol sa isyung ito.

Share this article
Erie Swan